(Sa November window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers) UICHICO HEAD COACH NG GILAS

JONG  Uichico

SI JONG  Uichico ang magiging head coach ng Gilas Pilipinas sa pagsabak nito sa second qualifying window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers ngayong buwan sa Manama, Bahrain.

Inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang appointment ni Uichico sa isang virtual media conference kahapon. Sasamahan siya nina assistant coach Boyet Fernandez, skills coach Alton Lister, at SBP program director Tab Balwdin.

Ang 58-anyos na si Uichico ay nauna nang nagsilbing assistant coach ni Chot Reyes sa national team at deputy ni Tim Cone sa  30th South-east Asian Games kung saan nagwagi ang bansa ng gold.

Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng SBP ang 16-man pool lineup para sa Bahrain meet. Nangunguna sa roster ang core ng Ateneo Blue Eagles na si Angelo Kouame, Dave Ildefonso, Dwight Ramos, Will Navarro, kasama ang kanilang dating teammates na sina Isaac Go, Matt at Mike Nieto. Kasama rin sa lineup sina Kobe Paras, Justine Baltazar, magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño, San Beda’s Calvin Oftana at Kenmark Cariño, Allyn Bulanadi, Jaydee Tungcab, at Rey Suerte.

Makakaharap ng Gilas ang Thailand sa November 26 sa rematch ng gold medal match sa 30th SEA Games noong nakaraang taon. Susunod na makakasagupa ng mga Pinoy ang isa sa pinakamabigat na kalaban nito, ang South Korea, sa November 28 at pagkatapos ay muling makakalaban ang Thailand sa November 30.

Ang Philippines ay may 1-0  record sa Group A, kung saan galing ito sa 100-70 pagbasura sa Indonesia sa Jakarta noong nakaraang Pebrero.

Comments are closed.