(Sa On Tour final match) KINGS, ROAD WARRIORS AGAWAN SA TOP 6

pba

Mga laro ngayon: 

(Ynares Arena, Pasig)

5 p.m. – TNT vs Blackwater

7:30 p.m. – Ginebra vs NLEX

MAGBABAKBAKAN ang Barangay Ginebra at NLEX para sa Top 6 sa final match sa PBA On Tour ngayong Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Ang three-month preseason series ay magtatapos kung saan isa sa Gin Kings at Road Warriors ang sasamahan ang Magnolia (11-0), Rain or Shine (8-3), Meralco (7-4), Blackwater (6-4) at Converge (6-5) sa upper half ng chart.

Ang mga tropa nina coach Richard del Rosario at coach Frankie Lim ay tabla sa 5-5 papasok sa 7:30 p.m. mainer pagkatapos ng salpukan ng Blackwater at TNT.

Hangad ni Jeremiah Gray at ng kanyang teammates ang matikas na pagtatapos makaraan ang magandang ipinakita sa Tour na wala sina coach Tim Cone at main players Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Stanley Pringle at Christian Standhardinger.

Nabawi ng Kings ang .500 mark nang pataubin ang TNT side sa huli nilang laro, 81-67, upang putulin ang two-game slide.

Tumabla ang Road Warriors sa Kings sa 5-5 sa back-to-back triumphs kontra Converge (112-104) at TNT (97-84).

Higit na magiging kapana-panabik ang laro dahil babasagin ng Ginebra at NLEX ang kanilang pagtatabla. Magbibigay rin ito ng climax sa preseason series na pinangunahan ng Hotshots sa kanilang perfect 11-0 run.

Makakasama ni Gray sina Nard Pinto, Von Pessumal, Sidney Onwubere at Raymond Aguilar upang tapatan ang NLEX squad na pinangungunahan nina Kevin Alas, Don Trollano, Sean Anthony, Tony Semerad, Jake Pascual at Clint Doliguez.

CLYDE MARIANO