(Sa OTC medicines) SARI-SARI STORES MAG-APPLY SA FDA

PINAYUHAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang small retail stores o sari-sari stores na kumuha ng awtorisasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) kung nais nilang magbenta ng mga gamot sa kanilang mga tindahan.

“Pwede namang mag-apply sila sa FDA, ‘yung mga tindahan at kung sila ay mabigyan ng authorization, pwede silang magbenta,’’ pahayag ni Año sa isang panayam.

Ito ang naging aksyon ng kalihim makaraang umapela ang netizens sa pamahalaan na payagan ang mga sari-sari stores na magbenta ng over-the-counter (OTC) medicines partikular sa mga lugar na wala gaanong drug stores at pharmacies.

Sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act 10918 o the Philippine Pharmacy Act, tanging ang FDA-licensed retail drug outlets o pharmacies lamang ang pinapayagang magbenta ng mga gamot sa publiko.

Nilinaw naman ng kalihim na ang mga small variety store ay maaari lamang magbenta ng OTC medicines at hindi ang prescription drugs.

“Mahirap kasing kontrolin, generally pag sinabi natin ‘pwede na kayo magbenta ng OTC medicines’, kawawa naman ‘yung publiko kung fake yang gamot na yan or hindi naaayon sa prescription kaya dapat mag-ingat tayo dito,” dagdag pa ng DILG chief.

Nabatid na sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang panghuhuli sa mga sari-sari stores na nagbebenta ng mga gamot at fake drugs bilang tugon sa kautusan ng DILG. EVELYN GARCIA