NASA P200 million at hanggang 200,000 trabaho ang inaasahang mawawala sa Pilipinas sa muling pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
Sinabi ni Lopez na mawawala sa bansa ang kaparehong halaga na natamo nito nang ilagay ang Metro Manila sa mas maluwag na Alert Level 2, ang ikalawang pinakamababa sa alert level system.
“Ang pinakaimportante dito ay mailagay na natin dito ‘yung ating bansa sa posibleng biglang pagdami ng Omicron cases,” pahayag ng kalihim sa Laging Handa virtual briefing.
“Dahil nakita natin, ito talagang lumala sa bansa tulad ng US, United Kingdom, at iba pang European countries nang maiwasan natin ‘yung pag-overwhelm sa ating hospital,” dagdag pa niya.
Ang National Capital Region (NCR) ay ibinalik sa Alert 3 simula kahapon, Enero 3, na tatagal hanggang Enero 15, 2022, kasunod ng muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga hindi bakunadong residente ng Metro Manila ay babawalang lumabas ng kanilang bahay maliban na lamang sa essential purposes tulad ng pagbili ng mga pangunahing pangangailangan.
Pinaalalahan din ni Lopez ang mga food establishment na tiyakin na ang indoor dining ay para lamang sa mga bakunadong indibidwal, at ang mga kakain ay kailangang magpakita ng kanilang vaccination cards.