(Sa pagbebenta ng bawal na digital products) E-COMMERCE PLATFORMS MANANAGOT

MAAARING managot ang mga electronic commerce o e-commerce platforms kasama ang mga kompanya o sinumang partidong nagbebenta ng mga bawal na digital products sa ilalim ng panukalang Internet Transactions Act.

Ito ang inihayag ni Senador Win Gatchalian matapos maglabas kamakailan ang National Telecommunications Commission (NTC) ng show cause at cease and desist orders laban sa Lazada, Shopee at Facebook Marketplace kasunod ng pagbebenta nila ng SMS blast machines sa mga online shopping site.

“Sa aking panukalang batas o Senate Bill No. 1591, isinama dito ang probisyon na Joint and Solidary Liability para maging responsable ang mga ganitong platforms at mabigyan ng proteksiyon ang ating mga konsyumer,” ani Gatchalian, punong may-akda ng nasabing panukalang batas.

Sa ilalim ng Section 17 ng SB 1591 o ang panukalang Internet Transactions Act, dapat alam ng online e-commerce  platform kung ang ibinebentang digital products ay pinapayagan ng mga umiiral na batas. Dapat din na alam nila kung ang online merchant o nagbebenta ng digital products ay rehistrado sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at maaari itong ialok ng e-commerce platform dahil kung hindi, pareho silang pananagutin sa batas batay sa tinatawag na solidary liability.

Sinabi ng NTC na lumalabas na may paglabag sa Radio Control Law at iba pang regulasyon katulad ng kanilang Memorandum Order 01-02-2013 o ang Prohibition of Portable Cellular Mobile Repeater and Portable Cell Site Equipment ang pagbebenta ng text o SMS blaster machines at mga kapareho nitong equipment.

Layon ng panukalang batas na maproteksiyunan ang mga konsyumer laban sa mga unethical, ilegal, at mga hindi katanggap-tanggap na pamamaraan ng pagnenegosyo ng mga nasa e-commerce, paliwanag ni Gatchalian.

“Malaking pagbabago sa ating araw-araw na pamumuhay ang dulot ng pagkakaroon ng online shopping o e-commerce. Konsyumer ka man o seller, binago ng teknolohiya at internet ang pamamaraan ng ating transaksiyon at paraan ng pagnenegosyo,” dagdag pa ng Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee.

“Hangad natin na mapadali ang mga serbisyong iniaalok sa online ngunit meron at meron pa ring nagsasamantala sa ganitong platform at ito ang nais nating tugunan dito sa panukalang ito,” aniya. VICKY CERVALES

6 thoughts on “(Sa pagbebenta ng bawal na digital products) E-COMMERCE PLATFORMS MANANAGOT”

Comments are closed.