NANAWAGAN ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na payuhan ang kanilang mga empleyado o kawani hinggil sa mga guidelines sa paggamit ng EDSA busway.
Ito ay matapos ang isinagawang mga operasyon ng mga tauhan ng MMDA at lumalabas na karamihan sa mga violators ay pawang government vehicles.
Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA Special Operations Group-Strike Force Officer -in- Charge Gabriel Go, ang kanilang hanay ay seryoso sa pagpapatupad ng batas trapiko.
Tiniyak rin ni Go na wala silang kinikilingan sa mga lumalabag sa kanilang mga panuntunan.
Ayon pa sa opisyal, ang mga kawani ng gobyerno ay dapat ang siyang manguna sa pagiging role model ng nakararami.
Malinaw kasi sa guidelines na hindi pinapayagan ang pagdaan ng mga sasakyan ng Pamahalaan maliban na lamang kung ito ay kabilang sa convoy ng 5 pinakamataas na opisyal ng bansa.
Kabilang sa maaaring gumamit ng EDSA busway ay ang mga ambulansiya at mga rerespondeng pulis. EVELYN GARCIA