(Sa pagkakadawit sa recycling ng droga) DAHIL SA ‘INTERNAL POLITICS’ – ALBAYALDE

Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde

‘INTERNAL politics’ ang itinuturong dahilan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kaugnay sa pagkakadawit nito sa isyu ng recycling ng ilegal na droga.

Ito ang naging reaksiyon ni Albayalde hinggil sa mga hindi magandang pahiwatig na isa umanong aktibong 4-star general ang kabilang sa mga itinuturing na ninja cops.

Sa isang press conference sa camp crame, sinabi ng pinuno ng PNP na bagaman hindi siya direktang pinangalanan, hindi niya maiwasan na isipin na siya ang tinutukoy ng mga report dahil siya lang naman ang nag-iisang aktibong 4-star general.

Gayunpaman, tinawanan na lang ng PNP Chief ang isyu at sinabing maaring na-recycle lang ang isyu tulad ng pag-recycle sa droga.

Tinukoy ni Albayalde na dahil sa umiiral na “internal politics sa PNP” kaya may naglalabasan  na ganitong isyu lalo na’t  papalapit na ang kanyang pagreretiro.

Sa press conference kahapon, ipinaliwanag naman ni Napolcom Vice Chairman Rogelio Casurao na ang pagkakatanggal sa puwesto ni Albayalde noong panahon na siya ang Pampanga Provincial Director ay administrative relief lamang matapos na maakusahan ang ilan niyang mga tauhan sa umano’y pagrerecycle ng droga.

Binigyang diin ni Casurao, ang mga tauhan ni Albayalde na sangkot sa naturang insidente ay kinasuhan at napawalang sala rin kinalaunan.

Pahayag pa ni Albayalde  na nalinaw  na rin siya sa isyung ito dahil sinuri ng husto ang kanyang background bago siya maging NCRPO Director at PNP Chief. REA SARMIENTO