HINDI parurusahan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sina Isaac Go at Thirdy Ravena makaraang maglaro sa isang basketball game sa kabila ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila.
Gayunman, sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios na ang dalawang Gilas Pilipinas players ay pinagsabihan ng mga opisyal ng SBP.
“Definitely, napagsabihan sila ni president Panlilio at ni Sir Butch,” wika ni Barrios.
“Sinabihan sila na itigil ninyo na ‘yang pinaggagawa ninyong hindi ayon sa regulasyon, at nakakahiya tayo,” dagdag pa niya.
Sina Ravena at Go ay kabilang sa mga player na nakisali sa isang scrimmage sa isang practice facility sa San Juan, kasama sina Barangay Ginebra veteran Japeth Aguilar at Rain or Shine rookie Adrian Wong.
Sina Aguilar at Wong ay pinagmulta ng Philippine Basketball Association (PBA) ng tig-P20,000, habang si Go, ang first overall pick sa ‘special draft’ noong nakaraang taon, ay binigyan ng warning ni commissioner Willie Marcial.
Ang scrimmages ay ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine, kabilang ang Metro Manila.
Sa protocols ng PBA para sa pagbabalik-ensayo ng mga koponan ay hindi rin pinapayagan ang 5-on-5 games. Sa katunayan, anim na katao lamang ang pinahihintulutan kada practice session – apat na players, isang coach, at isang health officer.
Comments are closed.