(Sa paglobo ng Chinese nationals) TRABAHO PARA SA PINOY NAMEMELIGRO – POE

grace poe

NAGPAHAYAG si Sen. Grace Poe ng labis na pagkabahala sa pagdami ng ‘di dokumentadong Tsino na nagtatrabaho sa Filipinas dahil mistulang  mawawalan ng trabaho ang mga kababayang Pinoy.

Giit ng senadora, hindi dapat pumasok ng bansa ang mga nasabing dayuhan sa pamamagitan ng pagku­kunwari bilang turista ngunit magtatrabaho naman pala. Aniya, dapat mas maging mahigpit ang Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration sa visa issuance.

Saad pa ni Poe, ilang Tsino ang gumagamit ng ilegal na pasaporte ng Filipinas para lamang makapagtrabaho sa bansa.

“Ayaw kong mga Filipino ang nawawalan ng trabaho at kailangang ­mangibang bansa pa,” pahayag ni Poe.

Ayon kay Atty. Homer Arellano, pinuno ng prosecution and legal assistance section ng Immigration Bureau, may ilan lamang aniyang pagkakataon na may nahuling Chinese nationals na gumagamit ng illegal Philippine passport.

Ayon naman sa DOLE, ilan sa mga pumapasok na Chinese citizens sa bansa ay mga turista ngunit nakakukuha ng special ­working permit para makapagtrabaho.

Wala namang tala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation  sa rami ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa online gaming, kahit pa karamihan sa mga inisyung special working permit ay para sa mga Chinese national na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations.

Sa kabuuang 1.66 mil­yon tourist visas na inisyu ng Department of Foreign Affairs, 18 lamang na employment visa para sa ­Chinese nationals ang naipro­seso.

Nanawagan si Poe na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa loob ng mga ahensiya at bumisita sa mga lugar kung saan sila nagtatrabaho para masigurong may kaukulang dokumento.

May natanggap umanong ulat si Poe na mga Chinese national ang magsisilbing construction workers at contractors sa rehabilitasyon ng Marawi. Dapat aniyang mauna munang makinabang ang mga Pinoy.

Hinimok ni Poe ang mga kaukulang ahensiya na higpitan ang mga panuntunan sa pag-isyu ng tourist at work visas para sa mga banyaga. Aniya, magiging mapanganib kung tuluyang nakasalalay ang ekonomiya ng bansa sakaling umalis sila dito.

Nararapat ding makipag-ugnayan ang Filipinas sa gobyerno ng China para masigurong walang criminal record ang sinumang papasok sa bansa.