SA PAGLUWAG NG RESTRIKSIYON, PANATILIHING MAGING MAINGAT

Joe_take

BATID natin na hindi pa natatapos ang pandemyang dulot ng Covid-19 sa ating bansa ngunit ang kasalukuyang paraan ng ating pamumuhay na malayang paglabas at pakikihalubilo ay tila nagsasabing balik na tayo sa ating normal na pamumuhay.

Ito ang resulta ng pagluluwag ng pamahalaan sa community quarantine sa ating bansa, na karamihan ay nasa Alert Level 1 na, kabilang ang National Capital Region.

Noong Biyernes, dinagdagan pa ng pamahalaan ng 17 probinsya ang mga nakasailalim sa Level 1 hanggang sa ika-15 ng Abril upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Katoliko na gunitain ang Mahal na Araw.

Kabilang sa mga isinailalim sa mas maluwag na restriksiyon ang Mountain Province, Southern Leyte, Misamis Oriental, Buguias sa probinsya ng Benguet, Atimonan at Tiaong sa Quezon, Santa Magdalena sa Sorsogon, Masbate, Batad at Zarraga sa Iloilo, Talisay sa Cebu, Javier at La Paz sa Leyte, Maslog sa Eastern Samar, Paranas sa Western Samar, Linamon sa Lanao del Norte, Calamba sa Misamis Occidental, Padada sa Davao del Sur, Sibagat sa Agusan del Sur, at Tubajon at Cagdianao sa Dinagat Islands.

Dagdag pa, panahon na rin ng tag-init kung kaya usong-uso na naman ang mga family outing na dalawang taong ipinagkait sa atin ng pandemya. Kaliwa’t kanan na rin ang pangangampanya ng mga politiko bago sumapit ang araw ng halalan, kahit pa nauna nang magbabala ang Department of Health na ang mga paghahalubilong ito, kasabay ng kawalan ng social distancing, ay maaaring maging super spreader ng Covid-19.

Kung ikukumpara sa ibang mga bansa, kakaiba ang paggalaw ng infection rate sa Pilipinas dahil mas lalo pang hinihigpitan ng kani-kanilang pamahalaan ang restriksyon dahil sa patuloy na pagpalo sa mga kaso ng nahawaan. Sa atin naman, tila ang pagbaba nang kaso ay dahil sa mababang bilang ng mga taong sumasailalim sa anti-gen at swab tests.

Gayunpaman, hindi pa rin tapos ang pandemyang ito. Marahil hindi natin nakikita sa mga pahayagan at social media, ngunit ang patuloy na pagtaas ng kaso sa ibang mga bansa sana ang magsilbing paalala na hindi pa rin panahon upang maging kampante, bagkus ay ipagpatuloy pa rin natin ang pagiging doble ingat upang mapigilan ang muling pagkalat ng sakit.

Katulad ng aking patuloy na sinasabi, ang bawat isa ay may mahalagang papel na ginagampanan upang mapuksa ang pandemyang dulot ng Covid-19. Hindi ito malulutasan na tanging ang pamahalaan at ang mga pribadong sektor lamang ang nagtutulungan.

Bukod sa paglilimita sa mga hindi mahahalagang paghahalubilo at aktibidad na maaaring humawa ng sakit, magiging malaking tulong din tayo sa pagbangon ng bansa at ng ekonomiya kung paiigtingin natin ang pangangasiwa ng Covid-19 booster shots.

Lalo pa at patuloy ang pagluluwag ng ating bansa para sa mga biyahero mula ibang bansa, kailangan nating maging doble ingat upang mapigilan natin ang pagpasok ng mga panibagong variant.

Dahil malapit na rin naman ang araw ng halalan, magsilbing boses sana ang mga kandidato at suportahan ang patuloy na pangangampanya ng pamahalaan sa programa nito ng pagbabakuna, at limitahan ang pisikal na pangangampanya upang sa gayon ay nakatutulong pa rin tayo sa pagsuporta sa ating pamahalaan laban sa Covid-19.

Ang labang ito ay hindi lamang laban ng iisa. Sama-sama tayo na magtulungan upang ang pandemyang ito ay mawakasan na. Karapat-dapat tayong mamuhay nang normal, ibigay natin ito sa bawat sa pamamagitan ng pagtulong sa bayan.