SA PAGLUWAG NG RESTRIKSYON, IBAYONG PAG-IINGAT KAILANGAN

Joe_take

DALAWANG taon magmula nang lumaganap ang pandemyang dulot ng COVID-19 ay kapansin-pansin na ang pagiging kampante ng mga bansa dahil paunti-unti ay nagbubukas na ang mas maraming negosyo para sa ekonomiya.

Sa Europa, hindi ininda ng bansang Denmark ang pagsipa sa arawang kaso ng naturang sakit nang pormal nang tanggalin ng pamahalaan ang lahat ng restriksyon kaya naman ang kanilang mga mamamayan ay balik-normal nang namumuhay.

Ayon sa pamahalaan ng Denmark, hindi na kinakailangan ang paggamit ng COVID pass para sa mga bar, mga restaurant, iba pang mga indoor venue, gayundin ang mandatory self-isolation sa oras na magpositibo. Ang desisyon umanong ito ng pamahalaan ay bunga ng patuloy na pagbaba ng mga bilang ng malulubhang kaso at ang malawakang programa sa pagbabakuna kung kaya  81 porsiyento na ng total na populasyon ng Denmark ang ngayon ay bakunado.

Dahil dito, ang Denmark ang naging kauna-unahang miyembro ng European Union na nagluwag ng restriksyon laban sa COVID-19.

Sa Pilipinas, opisyal nang tinanggal noong ika-1 ng Pebrero ang mandatory quarantine requirement para sa mga Pilipinong manggagaling sa kahit anong bansa, gayundin  para sa mga bakunadong turistang manggagaling sa 150 na visa-free countries simula Pebrero 10.

Nauna na ring inanunsiyo ng pamahalaan na handa na ang Pilipinas na opisyal na tanggalin ang lahat ng alert level sa mga susunod na buwan kahit pa ang mga bagong kaso kada araw ay sumisipa pa rin sa halos 17,000. Ito raw ay dahil sa patuloy na pagbaba ng malulubhang kaso ng COVID-19.

Gayunpaman, hindi pa rin tapos ang pandemyang ito. Ang patuloy na mataas na kaso ay palaging magpapaalala sa atin upang huwag maging kampante, bagkus ay ipagpatuloy pa rin natin ang dobleng-ingat upang mapigilan ang muling pagkalat ng sakit.

Maaaring may mga eksperto na ang nagsabing hindi na malubha ang Omicron variant ngunit hindi tayo nakasisigurado sa epekto nito sa ating katawan sa oras na tayo ay mahawaan.

Bilang tagapangasiwa ng ating sariling pangangatawan,  higit natin na kailangang gawin ang lahat ng mga alam nating pamamaraan upang maging protektado, katulad ng pagpapanatili ng mga minimum protocol katulad ng social distancing, ang paghuhugas ng kamay, ang regular na pagligo, at paggamit ng alcohol. Gumamit din ng double mask kung kinakailangan, at uminom ng mga bitamina na malaking tulong upang mapatatag ang ating immune system.

Kung maaari ay bawasan na rin muna ang paglabas ng ating mga tahanan kung hindi naman kinakailangan.

Sa muling pagluluwag ng quarantine restriction sa Metro Manila, isaisip natin ang kapakanan ng ating mga mahal sa buhay na hindi pa rin mga  protektado o wala pang bakuna, katulad na lang ng mga bata at mga vulnerable sector na kinabibilangan ng mga senior citizen at mga may comorbidity.

Tayo ay mga mamamayan at mayroon tayong mahalagang papel na ginagampanan sa pagbangon ng bansa. Hindi mawawala ang pandemya na parang bula na lamang at hindi ito laban lamang ng pamahalaan at ng mga medical expert. Bilang mamamayan, higit na mahalaga ang ating kooperasyon upang matapos na ang kalbaryong ito sa ating buhay.