INAASAHAN ang bawas-pasahe sa eroplano sa susunod na buwan makaraang ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge sa Level 4 mula sa umiiral na Level 5.
Ang fuel surcharge ang pangalawa sa pinakamataas na sinisingil sa mga flight ticket.
Ayon sa CAB, ang Level 4 fuel surcharge ay mangangahulugan na ang mga pasahero na bibili ng tickets sa Hunyo ay magbabayad lamang ng P117 hanggang P342 para sa domestic flights, at P385.70 hanggang P2,867.82 para sa international flights na magmumula sa Pilipinas, depende sa layo.
Ang fuel surcharge sa ilalim ng Level 5 para sa domestic flights ay nasa P151 hanggang P542. Para sa international flights na magmunula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula P498.03 hanggang P3,703.00.
Sinabi ng CAB na bumaba ang fuel surcharge dahil patuloy ang pagbaba ng presyo ng jet fuel sa pandaigdigang merkado. Ito na umano ang ikatlong sunod na beses na bumaba ang antas ng fuel surcharge.
Ang naaangkop na fuel surcharge level, na siyang ceiling rate para sa fuel surcharge, ay natutukoy base sa two-month average ng jet fuel MOPS (Mean of Platts Singapore) prices sa peso-per-liter equivalent nito.