NAGBABALA ang isang pork pro- ducer group sa posibleng pagtaas pa ng presyo ng baboy sa mga darating na buwan sanhi ng pagnipis ng suplay dulot ng African Swine Fever (ASF).
Sa pagtaya ng Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP), nasa P30 hanggang P40 ang maaaring itaas sa farmgate price ng of pork products sa Luzon mula Abril hanggang Disyembre.
Batay sa report, umabot na sa 10 lalawigan at 48 bayan sa bansa ang apektado ng ASF, kabilang ang Cebu province.
“Nung tamaan ‘yan, nakakasiguro kami na talagang tataas ang presyo dito sa Luzon, sa Metro Manila. Dahil nawala na rin ‘yung galing sa Mindanao, eh napakamahal na rin dun sa kanila,” wika ni PPFP chairperson Nicanor Briones.
Sa pinakahuling datos mula sa National Livestock Program ng Department of Agriculture (DA), posibleng magkaroon ng kakulangan na 200,000 metric tons sa pork requirement ng bansa sa Hunyo. Katumbas ito ng isang buwan.
Gayunman ay sinabi ng DA na maaari pa itong magbago depende sa resulta ng kanilang pag-aaral na ilalabas sa March 31.