(Sa pagsalubong ng Bagong Taon) DALAGITA PATAY, 2 SUGATAN SA STRAY BULLETS

ligaw na bala

ISANG dalagita ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang na­sugatan nang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong taon.

Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), hanggang kahapon ng umaga, umaabot sa 85% porsiyento  na mababa ang mga nagkaroon ng injury na nasa   50 katao lamang sa buong bansa kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 290 sa kaparehong panahon.

Kung pagbabasehan naman ang limang taon na average mula taong 2015, mababa pa rin ito ng 89%.

Sa ginanap na pulong balitaan inihayag ni PNP spokesperson Brig. Gen. lldebrandi Usana na namatay ang 12-anyos na babae mula sa Lanao del Norte matapos matamaan ng ligaw ng bala habang nasa labas ng kanilang bahay bitbit pa ang alkansiya.

Bukod dito,  nahagip din ng ligaw na bala ang 6-anyos na bata mula sa Sta. Catalina, Negros Oriental habang umiihi dahilan upang magtamo ito ng tama sa kanyang tiyan.

Nagtamo rin ng tama mula sa  ligaw na bala sa paa ang isang biktima mula sa Dagupan kung saan tinamaan ito habang natutulog.

Nauna nang ipinagbawal ng PNP ang pagpaputok ng baril at iba’t ibang uri ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Sa datos na ibinahagi ng DOH sa PNP malaki ang ibinababa ng bilang ng mga sugatan dahil sa paputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Iniulat  ni Health Secretary Sec Francisco Duque  sa 50 naitalang  sugatan, 49 dito ang fireworks related injuries habang isa ang tinamaan ng stray bullet.

Gayunpaman, hindi pa nakarating sa DOH ang data mula sa PNP ukol sa kompletong mga tinamaan ng ligaw na bala.

Todo naman ang pakiusap ni Duque na magtungo sa mga ospital ang nagkaroon ng mga sugat upang maiwasan ang tetano.

Sa January 6 magtatapos ang pagtala ng DOH sa mga sugatan dahil sa mga paputok. VERLIN RUIZ

Comments are closed.