HINIHIKAYAT ng Philippine Ports Authority ang mga pasahero sa pantalan na magsuot ng face mask ngayong holiday season bunsod ng naitalang pagtaas ng kaso ng influenza sa bansa.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi naman kinakailangan ang pagsusuot ng facemask kundi mas makabubuti pa rin sundin ang mga basic health protocols gaya ng pagsiguro na mayroong tamang bakuna, paggamit ng alcohol, at palagiang paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Naglabas ang Philippine Ports Authority ng mga alituntunin na humihikayat sa mga pasahero sa mga terminal ng PPA na sundin ang mga pag-iingat sa kalusugan kasama ang pagsusuot ng mask kabilang ang palagian at regular na paghuhugas ng kamay gayundin ang paalala sa publiko na panatilihin ng social distancing.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemic, nagkaroon ng “No Mask, No Entry” ang PPA upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Paglilinaw pa ni Santiago hindi naman aabot sa ganitong sitwasyon sa mga pantalan bagkus hinihikayat lamang nito ang publiko na tiyak na maayos ang kalusugan at nararamdaman bago magtungo sa mga pantalan lalo na’t nagsimula na rin ang peak season ngayong Disyembre sa pag-uwi sa mga probinsya.
Nauna nang inanunsyo ng Department of Health na ang pagtaas ng kaso ng influenza sa bansa ay dahil na rin sa nararanasang malamig na panahon lalo na sa ikatlong Linggo ng Disyembre kung saan dagsa ang mga tao sa pantalan para umuwi sa kani-kanilang lalawigan.
PAULA ANTOLIN