(Sa pagtaya ng ADB) PH ECONOMY LALAGO NG 6% SA 2024

INAASAHANG lalago ang ekonomiya ng bansa ng 6 percent ngayong taon, ayon sa Asian Development Bank (ADB).

Sa latest Asian Development Outlook, sinabi ng multilateral lender na ang paglago ay maaari pang bumilis sa 6.2 percent sa 2025.

Ayon sa ADB, inaasahan nila ang pagbagal ng inflation sa 3.8 percent ngayong 2024, na pasok sa 2-4 percent target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa likod ng mas mabagal na global oil price hikes at ng pagpapalawig  sa mababang taripa sa major food items tulad ng bigas, mais, at baboy hanggang  December 2024.

Tinataya ng ADB na babagal pa ang inflation sa 3.4 percent sa 2025. Gayunman, sinabi ng multilateral lender na maaaring pataasin ng El Nino at  La Nina ang inflation.

Sinabi pa ng ADB na ang mababang 4.5 percent unemployment rate noong Enero ay susuporta rin sa household spending at magpapalakas sa demand.

“Strong retail trade, higher tourist arrivals and spending, and an expansion in business services will sustain growth in the services sector, which accounts for over half of the gross domestic product,” ayon sa ADB.

Sinabi rin ni ADB Philippines Country Director Pavit Ramachandran na palalakasin ng investments sa malalaking public infrastructure projects ang paggasata ng gobyerno na magpapasigla sa ekonomiya.

Ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 5.6 percent noong 2023, mas mababa sa 6-7 percent target ng pamahalaan.

Mula noon ay ibinaba ng economic managers ang kanilang  gross domestic product growth rate sa 6-7 percent mula 6.5-7.5 percent.