(Sa pagtaya ng IMF) PH ECONOMY LALAGO NG 6% SA 2024

BINABAAN ng International Monetary Fund (IMF) ang growth forecast nito para sa Pilipinas sa gitna ng weaker-than-expected household consumption at investments.

Inaasahan ngayon ng IMF na lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6 percent sa 2024, mas mababa sa 6.2 percent forecast nito noong Abril.

Pinanatili naman ng  IMF ang 2025 growth projection nito para sa Pilipinas sa 6.2 percent. Gayunman ay mas mababa ito sa 6.5 to 7.5 percent GDP growth target ng pamahalaan para sa susunod na taon.

“We expect growth to pick up in 2025. The drivers are similar (such as) continued pickup in domestic demand, investment and consumption,” sabi ni IMF mission chief to the Philippines Elif Arbatli Saxegaard.

“We think that some of the factors, including continued decline in inflation as well as the monetary policy easing that is associated with that, will be probably even more supportive in 2025, given the lag,” aniya.

Samantala, ibinaba ng IMF ang 2024 inflation forecast nito sa 3.4 percent mula sa  3.6 percent na pagtaya na ibinigay nito noong Abril.

Ang projection ay mas mababa sa 6 percent full-year inflation noong 2023. Mas mababa rin ito sa 3.8 percent risk-adjusted forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para ngayong taon.

“That reflects our view that in the second half, food price inflation will come down faster, including due to the recently announced lower import tariffs on rice,” ani Saxegaard.

Inaasahan ng pamahalaan na lalago ang ekonomiya ng 6 hanggang 7 percent sa buong  2024.

Ang GDP ng bansa ay lumago ng 5.7 percent sa first quarter ng 2024.