INAASAHANG bibilis ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa fourth quarter ng taon sa 6 percent mula 5.2 percent sa third quarter sa likod ng malakas na domestic demand, pagbagal ng inflation, at mas mababang policy rates, ayon sa isang ekonomista mula sa Citi.
“We expect growth to pick up to 6 percent in Q4 (fourth quarter), supported by stronger domestic demand that is likely to be bolstered by lower policy rate and inflation, as well as the recent RRR (reserve requirement ratio) cut that would continue to support credit expansion,” pahayag ni Citi economist for the Philippines and Thailand Nalin Chutchotitham sa isang report na inilabas nitong Lunes.
Ayon kay Chutchotitham, ang pagsasabatas sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) ay makatutulong sa pagsuporta sa pagpapatuloy ng paglago ng private sector investments at foreign direct investments.
Sa ilalim ng batas ay ibinaba ang corporate income tax rate sa 20 percent mula 25 percent, dinagdagan ang deductions sa power expenses, at pinadali ang proseso sa value-added tax refund.
Ngayong taon ay tinapyasan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang policy rates ng kabuuang 50 basis points.
Binawasan din nito ang RRR ng mga bangko ng 250 basis points, na ayon kay Chutchotitham ay maglalabas ng mas maraming liquidity sa banking system at posibleng patuloy na sumuporta sa malakas na credit expansion.
Samantala, ang inflation ay nananatiling pasok sa 2-4 percent target ng pamahalaan makaraang maitala ito sa 2.3 percent noong Oktubre.
“Household consumption is expected to continue improving, supported by a lower interest rate and improved consumer sentiment as inflation continues to stabilize,” ani Chutchotitham.
Inaasahan ding magiging mas mabilis ang infrastructure projects sa fourth quarter ng 2024 at sa first quarter ng 2025.
Samantala, ang full-year 2024 economic growth ay inaasahang maitatala sa 5.8 percent at bibilia sa 6.0 percent sa 2025. ULAT MULA SA PNA