MAHIGPIT na naglalaban sina Leo Austria, Tim Cone, at Chito Victolero para sa 2018 Coach of the Year na ipagkaka-loob ng PBA Press Corps sa pagdiriwang ng ika-25 taon ng tradisyunal na Awards Night nito sa Enero 21 sa Novotel Manila Araneta Center.
Ang lahat ng tatlong coaches na ito ay nagwagi ng kampeonato sa 43rd season ng liga para mag-agawan sa coveted Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy, na ipinangalan sa late great ‘Maestro’ ng coaching, at igagawad bilang highlight sa taunang okasyon na ipinagdiriwang ang silver anniversary nito.
Nakopo ni Austria ang ika-4 na sunod na Philippine Cup title para sa San Miguel, ginabayan ni Cone ang Barangay Ginebra sa una nitong Commissioner’s Cup championship sa loob ng 21 taon, habang nakuha ni Victolero ang unang coaching crown nito makaraang igiya ang Magnolia Pambansang Manok sa unang titulo nito matapos ang 2014 grand slam season.
Sa 24th edition ng event, nasikwat ni Austria ang kanyang ikatlong sunod na Coach of the Year award upang maging kauna-unahang mentor na nakagawa nito magmula nang simulang ipagkaloob ng grupo ng sportswriters mula sa print at online media ang parangal noong 1993.
Si Cone ay tatlong beses na naging Coach of the Year (1994, 1996, at 2014), habang si Victolero ay nagtatangka sa award sa unang pagkakataon.
Bukod sa Coach of the Year, pararangalan din ang Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr Quality Minutes, at Breakout Player of the Season.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo nito, igagawad ng PBAPC ang Lifetime Achievement Award sa kauna-unahang pagkakataon at ang binuhay na President’s Award.
Ang iba pang award ay ang Game of the Season, All-Rookie Team, All-Interview Team, Scoring Champion, at ang Order of Merit, na ipinagkakaloob sa may pinakamaraming Player of the Week plum.
Comments are closed.