MAHIGPIT na naglalaban sina Leo Austria at Tim Cone para sa 2019 Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award na igagawad ng PBA Press Corps sa Annual Awards Night nito na nakatakda sa Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta City.
Sina Cone at Austria ang nakasungkit ng tatlong kampeonato na nakataya sa Season 44 noong nakaraang taon upang mag-agawan sa pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng mga sports writer na regular na nagko-cover sa PBA beat at ipinangalan sa late great ‘Maestro’ ng Philippine basketball.
Iginiya ni Austria ang San Miguel sa record fifth straight Philippine Cup championship, at pagkatapos ay idinagdag ang Commissioner’s Cup crown upang lumapit ang Beermen sa season sweep.
Subalit binigo ni Cone at ng Ginebra Gin Kings ang grand slam bid ng San Miguel nang pagharian ang Governors’ Cup, kung saan itinaya nila ang kanilang dominasyon sa season-ending meet sa pagwawagi sa ikatlong pagkakataon sa nakalipas na apat na taon.
Sa pagitan ng kanilang championship campaign, ginabayan din ni Cone ang Gilas Pilipinas sa basketball gold ng 30th Southeast Asian Games sa likod ng koponan na binubuo ng core ng Barangay Ginebra.
Sina Cone at Austria ay kapwa tatlong beses na naging Coach of the Year.
Nakopo ni Cone ang award noong 1994, 1996, at 2014, habang tinanggap ni Austria ang parangal sa tatlong sunod na taon mula 2015 hanggang 2017 upang maging unang coach na napanatili ang perpetual Dalupan trophy kasunod ng special feat.
Igagawad din ang Danny Floro Executive of the Year at iba pang regular awards sa 26th year celebration ng awards night na handog ng Cignal TV.
Sa ikalawang sunod na taon, ipagkakaloob ng PBAPC ang President’s Award, gayundin ang Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, All-Rookie Team, at Order of Merit, na igagawad sa player na may pinakamaraming Player of the Week honor noong nakaraang season.
Ang iba pa sa honor roll list ay ang Scoring Champion, All-Interview Team, Game of the Season, at ang PBA D-League Finals MVP.
Comments are closed.