HINILING ni Senador Bam Aquino na tutukan ng pamahalaan ang mga aspeto na kontrolado nito gaya ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Maaaring kontrolin ang TRAIN at pagpataw ng buwis sa petrolyo. Bigyan natin ng kaunting ginhawa ang mga pamilya, isuspinde natin ang excise tax,” wika ni Aquino na tinutukoy ang kanyang panukala na itigil ang koleksiyon ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN kapag lumagpas ang inflation rate sa ‘target range’ ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1798 na inihain ng senador, pinatitigil nito ang pangongolekta ng excise tax sa gasolina sa ilalim ng TRAIN kapag ang average inflation rate ay lumagpas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.
Sa deliberasyon ng TRAIN, ipinasok ni Aquino ang amyenda kung saan ihihinto ang pagpapatupad ng TRAIN Law kapag lumagpas ang inflation rate sa ‘target range’.
Inaprubahan ng mga kapwa senador ang amyenda ni Aquino ngunit hindi naisama ang probisyon sa bicameral conference committee at sa naaprubahang bersiyon ng panukala.
“Kailangang aminin na nahihirapan na ang mga Pilipino sa pagtaas ng presyo. Gawin naman natin ang ating makakaya upang tulungan ang mga pamilya,” diin ng senador.
Gayunpaman, umaasa si Aquino na susuportahan ng mga kapwa senador ang panukala dahil karamihan sa kanila ay sumang-ayon sa nasabing probisyon sa deliberasyon ng TRAIN Law. VICKY CERVALES