(Sa PHISGOC Foundation board of trustees) POC CHIEF NAG-RESIGN

Ricky Vargas

NAGBITIW si Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas bilang miyembro ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation board of trustees noong Abril 2.

Ito ay inanunsiyo mismo ni Vargas sa POCPHISGOC-National Sports Associations (NSAs) alignment meeting na idinaos sa Kalayaan Hall ng Taguig City government satellite office sa loob ng SM Aura Premier Tower kahapon.

“I realized that I might be conflicted, so I resigned from one of the incorporators,” wika ni Vargas.

Ipinaliwanag niya na kinakatawan niya ang POC at ang interes nito at ang pagiging miyembro ng board of trustees ng PHISGOC Foundation  ay maaaring magkaroon ng ‘conflict’.

Gayunman ay ni­linaw niya na mananatili siyang co-chairman ng PHISGOC.

Ang PHISGOC Foundation ay kabilang sa mga tinalakay sa alignment meeting.

“It’s part of the rules of the [SEA] Games. Hindi ka puwedeng magkaroon ng games nang wala kang juridical entity,” paliwanag ni PHISGOC chairman Alan Cayetano sa paglikha sa PHISGOC Foundation.

Sa ika-4 na pagkakataon ay magiging host ang Filipinas sa 2019 SEA Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Nakopo ng bansa ang overall championship ng biennial meet nang huli itong idaos dito noong 2005. Ang SEA Games ay ginanap din sa bansa noong 1981 at 1991. PNA

Comments are closed.