(Sa RE sector ng PH) PORTUGUESE FIRMS TARGET MAG-INVEST

FOREIGN INVESTMENTS PLEDGES

INTERESADO ang Portuguese energy firms na mag-invest sa renewable energy sector ng Pilipinas, ayon sa Departmen  of Energy (DOE).

Sa isang statement, sinabi ng DOE na ipinaalam ni Portuguese Foreign Minister João Gomes Cravinho kay Energy Secretary Raphael Lotilla, sa kanyang courtesy visit noong Hulyo 27, ang interes ng Energias de Portugal (EDP) and EDP Renewables (EDPR) na mag-invest sa renewable energy projects ng bansa, gayundin sa alternative fuels tulad ng hydrogen.

Ayon sa DOE, tinukoy ni Lotilla ang potential areas of cooperation, kabilang ang paglinang sa offshore wind (OSW) at floating solar, hydrogen, at ammonia production gamit ang renewable energy, liquefied natural gas (LNG) importation, at pagpapabuti sa transmission at distribution lines sa Pilipinas upang suportahan ang economic development at  energy transition agenda nito.

Target din ng Portuguese firms na mapalawak ang kanilang presensiya sa Southeast Asia sa pamamagitan ng investments sa Pilipinas.

Binigyang-diin din ni Lotilla ang eksperyensiya ng Portugal sa pag-repurpose at pag-incentivize sa transisyon ng coal power plants sa pamamagitan ng paggamit ng iba pang  alternative fuels, tulad ng co-firing sa hydrogen o ammonia.

Napag-alaman na noong 2021 ay isinara ng Portugal ang dalawang nalalabi nilang  coal-fired power plants — ang coal-fired power plant ng EDP sa Sines noong January 2021, at ang coal-fired power plant ngTejo Energia Pego noong November 2021, na nagbigay ng senyales na posible ang coal exit sa pamamagitan ng kumbinasyon ng carbon pricing, renewable energy investment, at transition planning.