NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) na itaguyod ang integridad ng mga examiner at kredibilidad ng pagsusulit na kailangan upang makakuha ng lisensiya at matiyak na pawang kuwalipikadong motorista lamang ang nasa lansangan.
“Mahalaga ang kredibilidad ng pagsusulit at integridad ng examiner upang matiyak na may sapat na kakayahan at kaalaman ang ating mga driver,” diin ni Poe, sponsor ng bagong batas na nagpapalawig sa validity ng mga driver’s license.
Sa ginanap na deliberasyon ng Senado sa 2022 budget ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensiya nito, sinabi ni Poe na kailangang maipasa ang theoretical examination para sa pagkuha ng lisensiya nang hindi nandaraya o nangongopya ng sagot.
”Ang problema sa LTO noon ay nakapaskil sa mga pader ang mga sagot sa exam at kung ganito ang nangyayari, nababalewala ang pagsusulit,” ayon kay Poe.
Kasabay nito, iginiit ng senador na hindi dapat makompromiso ang practical driving exam sa anumang pamamaraan at dapat ipatupad alinsunod sa pamantayang kailangan sa pagbibigay ng lisensiya upang mapaigting ang kaligtasan sa mga kalsada.
“Sa practical driving exam, dapat walang bayaran. Tingnan talaga kung marunong iyong driver. Kasi kahit pa may 15-hour course, pagdating doon ay nagdadayaan din lang at hindi pa din natin alam kung maalam na nga ang driver,” paliwanag ni Poe.
“Ang aking problema rito ay masyadong notoryus sa DOTr ang paghahanapbuhay. Iyon nga, iyong mga test, puwede kang magbayad para sagutin… So ito baka hanapbuhay na naman. Iyan ang reklamo ng maraming mga kababayan natin… Isinabatas nating gawin itong simple upang maibsan ang red tape para sa ordinaryong mamamayan, hindi para dagdagan,” sinabi naman ni Senador Ralph Recto sa kanyang interpelasyon.
Kasunod nito, inatasan din ni Poe ang LTO na magsumite ng kopya ng implementing rules and regulations (IRR) na saklaw ng oversight ng lehislatibo.
“Humihingi tayo ng kopya ng IRR at kailangang rebyuhin natin ito upang matiyak na napagsisilbihan ang ordinaryong mamamayan at hindi nabigyan lamang ng panibagong bigat ng pamahalaan,” giit niya.
Samantala, ipinagdiwang ng bansa ang “National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors and their Families” noong Linggo alinsunod sa itinakda ng Republic Act 11468 na iniakda at inisponsor ni Poe. VICKY CERVALES