KASUNOD ng pagtama ng dalawang lindol sa Batanes, humugot na ng mga rescue and disaster operations skilled policemen si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde sa ibang yunit at ipinadala sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Albayalde, agad siyang namili ng may karanasan sa disaster operations upang maging mabilis ang retrieval operations gayundin ang pagtulong sa posibleng mga biktima na hindi pa naa-account o naitatala.
Una nang inihayag ng PNP na tumutulong na sila sa retrieval operations at pagbibigay ng seguridad sa Batanes matapos ang pagtama ng dalawang malakas na lindol sa lalawigan.
Layunin din ng PNP sa pagpapadala ng pulis sa Batanes ay para masiguro ang kapayapaan sa nasabing lalawigan.
Panawagan naman ng PNP chief sa publiko na umiral ang bayanihan para muling maitayo ang isa sa tourist destination sa bansa.
Nagpaabot din si Albayalde ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ng nasabing pagyanig sa bayan ng Itbayat.
Matatandaang dakong alas-4:00 ng madaling araw ay tumama ang magnitude 5.4 na lindol sa lugar na sinundan naman ng mas malakas na 5.9 magnitude na aftershock pasado alas-7:00 ng umaga noong Sabado, Hulyo 27.
Sa huling tala, 9 katao na ang nasawi sa Itbayat at nasa 100 iba pa ang sugatan. EUNICE C.
Comments are closed.