(Sa SEAG hosting ng Pinas) FOREIGN DELEGATES HATS OFF

Sea games14

PATULOY na umaani ng papuri at pasasalamat mula sa mga sports official at atletang dayuhan ang pagho-host ng Filipinas sa 30th Southeast Asian Games.

Partikular na rito ang pag-iral ng pusong Pinoy kahit kapalit nito ang siguradong pagkapanalo ng gintong medalya. Todo-todo ang pasasalamat ng Indonesian sports officials sa Pinas, lalo na sa Pinoy surfer na si Roger Casugay matapos nitong iligtas ang karibal na Indonesian surfer na si Arip Nhuridayat habang naglalaban ang mga ito sa isang surfing event sa Monaliza Point sa La Union.

Nangunguna sa kompetisyon si Casugay ngunit isinantabi nito ang panalo ng gintong medalya at binalikan si Arip hanggang ligtas na naibalik sa pampang.

Todo-todo rin ang pasasalamat ng koponan ng Timor Leste sa mga Pinoy dahil sa suporta na manalo ang koponan ng medalya sa palaro. Sa pinakahuling medal tally, ang Timor Leste na lamang ang hindi nakasusungkit ng anumang medalya sa SEA Games.

Marami sa mga sports official at atleta ng Timor Leste ang nakatira nang libre sa Philipoine Sports Athlete’s dormitory sa Pasig. “The hospitality has been amazing. Everyone has been great to us,” ayon kay taekwondo athlete Jennifer Lay.

Pinuri naman ni Thailand lawn bowl coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa  Clark Freeport, isa sa mga venue ng lawn bowl competition. Ayon kay Simmons, nakabibilib ang ginawa ng Pinas na isang world-class sports facility sa loob lamang ng 40 araw.

“Traditionally, to put up a facility like this would usually take 18 months but they have managed to put it up for only 40 days and to have this support and all of these things for Lawn Bowl in the Philippines is marvelous,” ayon pa kay Simmons.

Sinabi naman ng Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepaktakraw Federation, na nakamamangha ang sepak takraw venue sa Subic gymnasium at tinawag niya itong pinakamagandang sepak takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games.

Maging ang  Olympic gold medalist swimmer na si  Joseph Schooling ay napabilib sa kanyang naging karanasan sa 30th SEAG. “It’s awe-some. It’s amazing. There is so much energy,” ani Schooling. Ipinagmalaki rin ng swimmer ang kanyang yaya na isang Pinay na 10 taon nang naninilbihan sa kanyang pamilya.

Maging ang SEAG first timer event na e-sports ay umani rin ng papuri. Ang venue lamang sa San Juan ay balot ng iba’t ibang ilaw, smoke machine at hiyawan ng mga manonood.

Ayon kay  Benjamin Assarasakorn ng Thailand E-Sports Federation, ang ‘landmark hosting’ ay dapat tularan ng ibang bansa sa Asya kung paano tatratuhin ang esports. “This will leave a legacy for the SEA countries,It’s our job to live up to the expectations that the Philippines has set.”

Bukod sa naturang mga papuri ng iba’t ibang delegasyon, sinabi rin ni  Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong na handa na ang Pinas para sa mas malaking sports events dahil sa magandang pagho-host ng 30th SEAG kaya hinikayat niya ang Pinas na lumahok sa bidding para sa 2030 Asian Games.