(Sa Senado)TOTAL BAN SA POGOs WALA PANG SAPAT NA BOTO

POGOS

BIGO pang makakuha ng sapat na pirma ng mga senador na miyembro ng ways and means committee ang committee report na nagrerekomenda na ganap na ipagbawal ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa.

Sa ngayon ay aabot pa lang sa pito ang pumirma, kabilang na rito sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Koko Pimentel, Senators Risa Hontiveros at Grace Poe.

Ang mga nagsabi naman na hindi pa sila pumipirma ay sina Senador Jinggoy Estrada at Imee Marcos

Ayon kay Estrada, hindi pa nakararating sa kanya ang committee report at nais muna niya itong mabasa.

Si Senador JV Ejercito naman ay nais na gawin sa loob ng 2 hanggang 3 taon ang pag-phase out sa POGOs.

Ayon kay Ejercito, hindi siya pro-POGO pero inaalala niya ang epekto ng agarang pagpapasara sa POGOs na mismong Kongreso ang nagpasa ng batas para maging legal ang operasyon nito sa bansa.

Sa huling araw ng sesyon ay nag-privilege speech si Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian kung saan kanyang inilahad ang laman ng chairman’s report kung saan inirerekomenda ang tuluyang pagpapasara at pag-ban sa mga POGO sa bansa dahil mas mabigat ang perwisyong dulot nito kung ikukumpara sa naibibigay na benepisyo.

Ayon kay Gatchalian, mangangailangan na lang ng tatlong pirma o kabuuang 10 signatures ang committee report para ito ay maiprisinta sa plenaryo ng Senado.

Paglilinaw ni Gatchalian, ang kanyang binasa kagabi na chairman’s report ay para lamang i-update at maisalarawan sa mga senador ang mga bago pang impormasyon na lumalabas tungkol sa POGOs upang makumbinsi pa ang mga ito sa negatibong dala nito sa bansa.

Inihalimbawa nito ang ipinarating sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) na nito lamang Pebrero ay may sinagip silang Chinese national na iligal na ikinulong sa compound ng isang POGO service provider.

Aminado naman si Gatchalian na may ilan sa myembro ng komite ay pinag-aaralan pa ang mga isyu sa POGOs para lagdaan ang committee report dahil sa ilang mga concerns tulad ng trabaho at ang mawawalang kita mula sa buwis sa POGOs.

VICKY CERVALES