MAY libreng sakay ang Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit2 (LRT-2) para sa mga empleyado ng pamahalaan sa Setyembre 18-20 bilang pagdiriwang sa ika-124 anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Kailangan lamang magpakita ng IDs ang civil servants sa station personnel para maka-avail ng libreng sakay.
Para sa mga oasahero ng MRT-3, ang libreng sakay ay iaalok sa buong operation hours ng train system.
Ang North Avenue Station ay nagsisimula ang operasyon sa alas- 4:30 ng umaga habang ang Taft Avenue Station ay nagbubukas sa alas-5:05 ng umaga. Ang huling train set ay umaalis ng North Avenue Station sa alas-9:30 ng gabi, habang ang Taft Avenue Station ay magsasara sa alas-10:09 ng gabi.
“Binabati at pinasasalamatan po natin ang lahat ng mga empleyado ng gobyerno na naglilingkod nang tapat para sa kapakanan ng publiko,” sabi ni MRT-3 general manager Oscar Bongon sa isang post sa Facebook.
“Layon ng libreng sakay ng MRT-3 na makapaghatid ng kahit kaunting kasiyahan sa kanila na tanda ng aming pagsaludo at pasasalamat sa kanilang mga sakripisyo. Mabuhay ang mga kawani ng gobyerno,” aniya.
Samantala, ang libreng sakay ng LRT-2 ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.