WALANG nagaganap na nakawan sa Siargao, Surigao del Norte at maging sa Dinagat islands sa gitna ng kakapusan ng pagkain gayundin ang matinding salanta ng Bagyong Odette noong isang linggo.
Ito ang tiniyak ni PNP-Caraga Public Information Office chief Police Major Dorothy Tumulak at sinabing ang kanilang mga tauhan na idineploy sa nasabing mga lugar ang magpapatunay na walang insidente ng nakawan roon.
“So far, wala pa naman pong confirmed. May mga sabi-sabi, mga information kaya agad pinuntahan, vini-verify ng ating mga PNP personnel sa lugar,” ayon kay Tumulak.
Aniya, maraming pulis ang naka-deploy sa mga lugar na apektado ng pananalasa para matiyak ang peace and security makaraan ang bagyo.
Magugunitang, naalarma Bohol provincial government dahil sa kanilang sitwasyon na paubos na ang pagkain kaya umapela ng pagkain kasama na rin ang mga pulis at mga sundalo bago pa magkaroon ng looting sa kanilang lugar.
“If the DSWD cannot give us financial support right now…Mr. President, I don’t know how to reach you… Please send troops and police kung hindi kayo magpapadala ng pera para sa pagkain. Magpadala kayo ng sundalo, magpadala kayo ng pulis, dahil kung hindi, maglu-looting po rito,” panawagan nila.
EUNICE CELARIO