(Sa special guest licence mula sa GAB) STUDENT-ATHELETES SWAK SA PBA

SA KAWALAN ng collegiate leagues dahil sa pandemya, nag-alok ang Games and Amusements Board (GAB) ng ‘special guest licenses’ para sa student-athletes na maaaring payagan na sandaling maglaro sa professional leagues.

Tinukoy ni GAB Chairman Abraham Mitra ang kaso ng Northern Consolidated basketball team, na binubuo ng pinakamahuhusay na amateurs ng bansa, na tinanggap bilang guest team sa PBA noong 1984 at 1985 habang naghahanda ito na katawanin ang bansa sa international competitions.

Bagaman hindi kinokonsidera ni Mitra ang buong collegiate o amateur team na payagang maglaro sa pro basketball leagues tulad ng  Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 o maging ng PBA, sinabi niya sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webcast Forum na maaari itong gawin ng individual players.

“Why not allow them to play in pro leagues as guest players? They can apply for a special pro license as individuals. It’s a (limited) accommodation if there are athletes in the UAAP or NCAA who want some exposure in the pro leagues,” aniya.

Sa pagkakaroon ng special license, ang mga player ay maaaring kunin ng pro teams bilang active players o practice players subalit para lamang sa maikli at limitadong panahon. Gayunman, ang mga player ay dapat magkaroon ng basbas ng kani-kanilang eskuwelahan.

“Baka gusto nilang sumubok ng ibang liga and carry that experience when they return to the collegiate leagues,” sabi pa ni Mitra.

“These (collegiate) players have been out of action for six, seven or eight months now. The special license will allow them to play in the professional leagues without them being branded as professionals,” ani Mitra, at idinagdag na ang special license ay maaaring magkahalaga ng P1,000 o mas mababa pa.

Dahil sa pandemya, ang UAAP at NCAA seasons, gayundin ang iba pang collegiate leagues sa bansa, partikular sa Metro Manila, ay natigil.

Hanggang hindi nagiging normal ang sitwasyon, ang mga ligang ito ay maaaring sa susunod na school year na makabalik.

Ayon kay Mitra, ang UAAP at NCAA basketball seasons  ay karaniwang nagtatagal ng tatlong buwan at anim na buwan ang kakailanganin para sa paghahanda ng mga koponan.

“That leaves student athletes a window or at least a couple of months to avail of the special licenses.”

Maaari rin itong ipatupad sa football, kung saan ang collegiate players ay maaaring sumabak sa Philippines Football League, na kamakailan ay naging professional na.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.