NADISKUBRE ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paglabag ng ilang tindahan kabilang ang hindi pagsunod sa itinakdang ‘Suggested Retail Price’ at iba pang probisyon ng Consumer Act (RA 7394) at Price Act (RA 7581) sa sorpresang inspeksiyon na isinagawa ng naturang ahensiya sa Batangas kahapon.
Bukod kina Trade Secretary Ramon Lopez at Undersecretary Ruth Castelo, kasama rin sa umikot sa iba’t ibang supermarkets at public market sa nasabing lalawigan si 1st Dist. Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, na chairman ng House Committee on Trade and Industry.
Nabatid kay Gatchalian na kabilang sa mga nadiskubre nila ay ang pagbebenta ng ilang establisimiyento ng bottled water at asukal, na kabilang sa tinaguriang ‘basic commodities’, na higit sa itinakdang SRP.
Dagdag ng Valenzuela City solon, ilang tindahan din ng karne sa palengke ang nakita nilang walang kaukulang sertipikasyon mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) habang may mga appliances ang ibinebenta na walang Import Commodity Clearance (ICC) sticker.
Bigo naman ang nasabing inspection team na mapatunayan ang sumbong na ‘overpricing’ ng N95 masks sa kanilang pag-iikot sa Batangas bagkus ang nakumpirma nila ay ang pagkakaroon ng kakulangan sa suplay nito roon.
Ayon kay Gatchalian, agad namang inisyuhan ng DTI ng ‘notice of violation’ at ‘show cause orders’ ang mga nagtitindang may nakitang paglabag kung saan umapela naman siya sa mga ito at maging sa manufacturers na isaalang-alang at huwag pagsamantalahan ang kalagayan ng mga nasalanta ng kalamidad gaya sa nangyaring pagputok ng Taal volcano.
“Manufacturers, wholesalers and retailers should be extra sensitive during these times. Basic commodities are critical for the survival of our fellow countrymen who just experienced a calamity. No one should be allowed to take advantage of these kinds of situations,” mariing sabi pa ng House Committee on Trade and Industry chairman.
Babala ni Gatchalian, magsusulong siya ng mga hakbang sa Kongreso para higit na maprotektahan ang mga mamimili at mapatawan naman ng mas mabigat na kaparusahan ang mga mapagsamantalang trader at manufacturer. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.