PARANG panahon ang opisina—minsan mainit, minsan naman ay malamig o maulan. Kumbaga, may panahong magulo at mayroon din namang matiwasay at tahimik.
Gustuhin man nating maging matiwasay ang pananatili natin sa isang opisina o pinagtatrabahuan, dumarating pa rin ang panahong sinusubok tayo. Sinusubok ang ating pasensiya. Sinusubok ang ating kakayahan.
Nakapapagod din kung minsan kapag trabaho ka nang trabaho tapos mayroong mang-uusig o maninira sa iyo. Nakauubos ng lakas. Nakaiinit ng ulo. Kung minsan pa, humahantong ito sa gusto mo nang sumuko o mag-resign.
May ilan na palaban. Kapag siniraan, pumapalag. Kunsabagay, bakit ka nga naman mananahimik kung alam mong sinisira ka na ng iba. Hindi naman makatarungan iyon.
Pero siyempre, kung may mga palaban, hindi rin nawawala ang mga nananahimik na lang o nagpapaubaya. Hindi dahil sa takot sila kundi ayaw lang nila ng gulo.
Kapag pa naman mainit ang ulo o galit, hindi na natin iniisip ang kahihinatnan ng ating gagawin. Basta’t ginagawa na lang natin bigla at bahala na si batman sa kalabasan.
Kapag galit nga naman tayo, mahirap nang mag-isip ng tama. Mahirap na rin tayong pigilan. Kaya madalas, nakagagawa tayo ng hindi maganda.
Kung tutuusin, may mga bagay nga naman na mahirap pigilan. Lalo na kung galit ka na. Lalo na kung pagod ka na tapos may makulit ka pang katrabaho at iniinis ka. Pero kahit na puputok na sa galit ang dibdib mo, hindi ka dapat basta-basta bumibigay. Hindi ka dapat basta-basta nakikipagtalo. Sabi nga ng marami, choose your battles wisely. May kabuluhan nga naman iyon. May sense kumbaga. Kasi kung susugod ka nga naman nang susugod nang hindi nag-iisip, baka bumalik lang din sa iyo ang ginawa mo. Baka mapasama ka pa. Bago makipag-away, narito ang ilang tips na dapat mong isaisip.
TANUNGIN MUNA ANG SARILI
Tanungin mo muna ang iyong sarili: May mapapala ka ba sa gagawin mo? Mapabubuti ka ba? Baka naman imbes na makatulong sa iyo e makasama pa? Dapat ba talagang makipag-away o makipagdiskusyon ka? Gaano ba kahalaga sa iyo ang makipag-talo?
Ilang tanong ito na dapat mong isaalang-alang. Hindi naman kasi porke’t gusto mong makipagdebate, e gagawin mo na kaagad. Siyempre, kailangan mo ring pag-isipang mabuti. Lalo na kung trabaho mo ang nakasalalay. Oo, masarap makipag-away pero pagkatapos mong makipag-away ano na? Paano na?
Baka imbes na maging maganda ang pagtatrabaho mo, maapektuhan pa ng gulo. Kaya pag-isipan munang mabuti bago ka gumalaw o kumilos.
MANIGURADO KA
Tama lang naman na bago ka sumugod sa labanan, alam mong malaki ang potensiyal mong manalo. Kung alam mo namang matatalo ka na, bakit ka pa makikipag-away. E ‘di parang inihulog mo lang ang sarili mo sa bangin.
Parang pag-ibig lang din iyan, kung alam mong may pag-asa kang sagutin nang nililigawan mo, ituloy mo ang panliligaw. Pero kung ayaw sa iyo at wala kang mapapala, tumigil ka na. Ibaling mo sa iba ang pagtingin mo. Kung alam mong masasayang lang ang panahon at oras mo, bakit ka pa magtitiyaga?
MAY MAPAPALA KA BA?
Sakaling itinuloy mo ang pakikipaglaban. Sabihin na nating may nakagalit ka na kasamahan mo sa trabaho. Gusto mo siyang ipatanggal, tapos gumawa ka ng paraan para matanggal siya nang tuluyan. Halimbawa, nagtagumpay ka, ano naman ang mapapala mo? Tataas ba ang posisyon mo dahil may pinatanggal ka? Gagaling ka ba dahil doon? Hindi naman ‘di ba?
Siyempre, bago ka gumawa ng desisyon, alamin mo rin kung ano ang mapapala mo sa gagawin mo. Baka naman imbes na matuwa sa iyo ang mga kasama mo, pangilagan ka pa. Mahirap pa naman kung mismong mga kasama mo sa trabaho ang galit sa iyo. Kasi puwede silang magkaisa laban sa iyo. Puwede silang magkapit-bisig para ipatanggal ka.
Kailangang mas mabilis tayong mag-isip kaysa sa mga kasamahan natin. Kumbaga, hindi pa nangyayari ang isang bagay, naiisip na natin at may solusyon na kaagad tayong naiisip.
HUMINGI NG PAYO SA MALALAPIT NA KAIBIGAN
Para rin maipanalo natin ang laban, isa rin sa kailangan nating gawin ay ang paghingi ng payo sa malalapit na kaibigan o kaya naman kamag-anak.
Puwede rin kasing may hindi tayo nakikita o napapansin.
Kaya huwag tayong basta-basta makikipagtalo. Alamin muna ang magiging sanhi ng gagawin. Higit sa lahat, choose your bat-tles wisely.
Comments are closed.