MAGKAKALOOB ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment sa mga benepisyaryo sa typhoon-hit provinces sa Bicol Region.
Ayon kay DOLE Assistance Secretary Dominque Rubia-Tutay, ang emergency program ay nasa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng ahensiya kung saan mabibiyayaan ang mga benepisyaryo na matinding tinamaan ng bagyo sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, at Masbate.
“Double whammy po ang nangyayari sa ating mga kababayan sa parteng Bicol, dahil bukod po doon sa COVID-19, tin-amaan pa po sila ng matindi ng typhoon Rolly,” ani Tutay sa isang panayam sa radyo.
“Nangako na po ang ating kalihim [Silvestre] Bebot Bello ng 5,000 beneficiaries para po doon sa Catanduanes para sa ating emergency employment program sa TUPAD, ganoon din po mayroon din tayong another 5,000 beneficiaries sa Albay,” dagdag pa niya.
Ayon kay Tutay, nasa P180 million ang kakailanganin para pondohan ang programa sa Region 5.
“Pasok pa rin po sila doon sa ating matutulungan under Bayanihan 2 dahil sa panahon ngayon nandito pa rin ang pandemic.”
Aniya, ang DOLE ang magpapatupad ng programa subalit ang mga benepisyaryo ay tutukuyin ng local government units ( LGUs).
Comments are closed.