(Sa voter registration) 4 MILYONG PINOY NAGPATALA

Voter Registration

MAHIGIT sa apat na milyong Pinoy ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) na nagparehistro sa dalawang buwang voter registration na idinaos nila sa buong bansa ka­makailan.

Sa datos na inilabas ng Comelec-Election and Barangay Affairs Department (EBAD), aabot sa kabuuang 4,097,003 aplikasyon ang kanilang natanggap sa buong bansa mula Agosto 1, 2019 hanggang Setyembre 30, 2019.

Ang aplikasyon mula sa mga regular registrant o yaong nagkaka-edad ng 18-taong gulang pataas ay umabot ng kabuuang 3,082,396, habang umabot naman sa 1,014,607 ang mga nagparehistro na nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang o yaong kuwalipikadong bumoto para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Nabatid na karamihan sa mga nagparehistro ay mga babae na umabot sa 2,150,259 habang nasa 1,946,744 naman ang mga lalaki.

Aminado naman si  Comelec spokesperson James Jimenez na hindi nila inaasahan ang ganito kataas na resulta ng mga magpaparehistro.

“A turnout this high far exceeds the projected number of new registered voters for the year 2020. This is true for the 16 regions in the country. For the Regular applicants, the nationwide average is 152% more than what was statistically expected,” pahayag ni Jimenez.

Anang Election Records and Statistics Department (ERSD), ang projected total number ng new registered voters para sa mga nasa 18-taong gulang pataas ay 2,030,630 habang ang estimated number ng new registrants na nagkaka-edad ng 15-17 years ay 1,229,859.

Tiniyak naman ni Jimenez na sa sandaling maisabatas na ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections sa Mayo, 2020 ay muling bubuksan ng poll body ang voter registration.

“Once a bill postponing the polls is signed into law by the President, we will announce a new period of voter registration,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.