TIKLO ang limang Chinese national at tatlong Filipino na pawang hinihinalang kasapi ng isang grupo ng mga bigtime loan shark o sindikatong sangkot sa human trafficking nang dukutin nila ang dalawang intsik na nagtrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) firm sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Sa report na inilabas ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) kamakalawa ng hapon, isang rescue operation ang ikinasa ng kanilang mga tauhan matapos na hingan ng tulong ng mga biktima.
Sa nasabing dragnet operation ay na-rescue ang dalawang biktima na kinilalang sina Zhang Jia at Wang Zhe.
Habang nahaharap naman sa kasong abduction at illegal detention ang mga inakusahang Chinese kidnappers na sina Chen Xingding, Zou Tian Cong, Gao Zhan, Yu Yang at Wang Jian Bo.
Kinilala rin ng PNP-AKG ang mga Pinoy na kasabwat ng grupo na sina Pepe Mengullo, Welson Borlado at Jose Marlito Borja.
Ang mga Pinoy ay pawang security officers na unang nahuli dahil sa obstruction of justice, subalit kasalukuyang iniimbestigahan kung posibleng kasabwat talaga sila ng grupo na ang modus ay dumukot ng mga taong may utang sa kanila.
Ayon kay Police Lt. Col. Villaflor Bannawagan ng PNP-AKG, pinangakuan ng mga suspek na Chinese ang mga biktima ng sahod na 10,000 Chinese Yuan o P72,400 kada buwan.
Subalit, nang makapasok na sila sa POGO ay 7,000 Yuan lamang ang kanilang natanggap.
Nabatid na siningil pa ang mga biktima ng ginastos sa pagproseso sa kanilang mga dokumento.
Sa salaysay ng mga biktima, Setyembre 16 nang iwan nila ang POGO firm at magdesisyong asikasuhin na ang kanilang travel documents pabalik ng China.
Subalit nang kukunin na nila ang kanilang mga dokumento, dito na sila itinago ng mga Chinese na suspek at nanghingi ng ransom kapalit ng kanilang kalayaan.
Nakapagbayad ang pamilya ng mga biktima sa mga suspek ng 287,000 yuan o higit P2 milyon subalit hindi rin sila pinakawalan.
Hanggang sa may maka-usap na isang kaibigan ang dalawang biktima na nahingan nila ng tulong at ipinagbigay-alam sa pulisya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.