(ni CT SARIGUMBA)
SA GANITONG panahon, halos lahat ng mga Filipino ay nagtutungo sa puntod ng kanilang mahal sa buhay upang dumalaw at maglaan doon ng panahon. Sa pagtuntong nga naman ng Nobyembre 1, kanya-kanyang dala tayo ng pagkain, bulaklak at kandila sa mga yumao nating kapamilya. May ibang mga Filipino na nagtatagal o halos isang araw na nananatili sa puntod ng kanilang kapamilya.
Hindi nga naman maitatangging nakasanayan na ng maraming Filipino ang magtungo sa sementeryo sa ganitong mga panahon. Gayunpaman, kailangang maging maingat tayo lalo pa’t sa ganito ring mga pagkakataon ay nagkalat ang masasamang loob. Narito ang ilan sa safety tips na dapat na isaalang-alang:
Kung mayroong sakit, mas makabubuting manatili na lang sa bahay at huwag nang lumabas nang hindi na lumala pa ang nararamdaman.
Kung aalis o lalabas ng bahay, importanteng komportable ang susuotin. Iwasan din ang pagsusuot ng mga damit na masyadong maiikli. Mas mainam kung t-shirt at pants ang susuotin nang makagalaw ng maayos. Pagdating naman sa pipiliing pansapin sa paa, mas mainam at komportable ang flat shoes o rubber shoes.
Iwasan din ang pagdadala ng mga mamahaling gamit. Itagong mabuti ang gadget nang hindi masalisihan. Bantayan ding mabuti ang mga kagamitang dadalhin sa puntod nang hindi mawala. Tiyakin ding hindi makasasanhi ng sakuna ang kandilang may sindi.
Siguraduhin ding sapat ang pagkain at tubig na dadalhin. Tiyakin ding hindi pa ito sira. mas mainam kung ang mga pagkain ding bibitbitin ay hindi kaagad napapanis o nasisira.
Importante rin ang pagiging alerto sa lugar na kinaroroonan. Hindi natin masasabing mababait ang mga nakasasalamuha natin. Kaya’t para masigurong safe, maging alerto sa paligid. Huwag ding maglalakad ng mag-isa.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa tips upang maging safe ngayong Undas.
Comments are closed.