KUNG mayroon mang isang prutas na napakadali lang kainin at mabibili sa kahit na saang tindahan o grocery, iyan ang saging. Hindi nga lang naman mga unggoy ang nahihilig sa pagkain nito kundi ang bawat isa sa atin. Sa mga palabas nga naman kasi sa telebisyon, laging ipinakikitang kumakain ng maraming saging ang unggoy.
Pero hindi lamang masarap ang saging sapagkat napakarami nitong benepisyo sa katawan. Nagtataglay ito ng potassium na isang susi para mapanatiling tama o nasa level ang ating cardiovascular system.
Ang saging ay isang prutas na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa Filipinas o maging sa ibang bansa ay ginagamit ito sa pagluluto. Ang iba naman ay ginagawa itong dessert o panghimagas.
Ang saging ay unang natagpuan sa Papua New Guinea at lumaki sa iba’t ibang bansa.
Maraming klase ng saging. Iba-iba rin ang kulay nito. Mayroong berde, dilaw, brown at purple. May iba’t ibang hugis din ito at laki. Mayroong maliit at mayroon ding malaki.
NAKAPAGPAPABABA NG BLOOD PRESSURE
Bakit nga ba nakapagpapababa ng blood pressure ang saging?
Marami ang naniniwala na ang potassium ay may kapasidad o kakayahan na mag-pump ng sobrang asin sa katawan na siyang nakasasama sa kalusugan. Ang potassium kasi ay siyang daan patungo sa ating blood vessels na nagsi-circulate sa hormones na nakaaapekto sa ating BP.
Kilala ito bilang mayaman sa fiber at tumutulong ito upang mapababa ang high blood presure.
Ang potassium ang siyang nagme-maintain at tumutulong upang maging malusog ang ating puso at maging normal ang blood pressure. Low sodium din ang nasabing prutas. Bukod din sa potassium ay mayaman din ito sa manganese. Fat-free rin ito at cholesterol-free. Mainam din ito sa mga buntis para sa development ng kanilang sanggol.
Mayaman din sa vitamin B6 ang saging. Nagpo-produce ito ng red blood cells at nag-aalis ng kemikal mula sa atay at bato. Ang carbohydrates at fats din na taglay nito ay nako-convert bilang energy.
Mayroon ding taglay na vitamin C ang saging na nagpoprotekta sa katawan laban sa pagkasira ng cell at tissue. Nakatutulong din ito sa pag-a-absorb ng Iron. Nagpo-produce rin ito ng collagen na siyang tumutulong sa balat, buto at katawan. Ang saging din ay tumutulong sa utak upang mag-produce ng serotonin na siyang nakapagpapaganda ng mood ng isang tao.
Mainam din ang saging sa mga taong laging nakadarama ng stress. At kung may problema ka sa digestion, puwede mo itong kahiligan dahil sa mayaman ito sa fiber na siyang tumutulong upang maibsan ang pananakit ng tiyan.
Nakapagbibigay rin ng lakas ang saging. Mainam din itong pambaon ng mga bata at kahit na anong oras ay maaaring kainin.
Nakapagpapababa rin ito ng timbang at nakabubusog.
Napakarami nga namang benepisyo ang saging sa kalusugan kaya naman, mainam na isinasama natin ito sa ating diet. CYRILL QUILO
Comments are closed.