SAHOD, INSENTIBO NG MGA BARANGAY OFFICIAL, ISABATAS NA!

HINIKAYAT ni Senador Lito Lapid ang kanyang mga kasamahan sa Senado na agad na pagtibayin ang inakda niyang panukalang batas para sa standardization ng sweldo at benepisyo ng mga opisyal ng Barangay sa bansa.

Ginawa ni Lapid ang pahayag sa talumpati niya sa Good Governance Summit-2nd Provincial Liga Assembly-Liga ng mga Barangay ng Northern Samar Chapter sa Seda Hotel, Quezon City kamakailan.

Sinabi ni Lapid na inihain niya ang Senate Bill No. 270 o an Act Standardizing the Salaries and Benefits of Barangay Officials noong July 11, 2022 at hanggang sa kasalukuyan ay nakabinbin pa rin ito sa committee level.

Umaasa si Lapid na maikakalendaryo na ang pagtalakay sa kanyang bill sa muling pagbubukas ng sesyon sa July 22.

“Malaki po ang maitutulong ng ating bill para mabigyan ng sapat na insentibo at sweldo ang mga barangay official na alam naman nating lahat na syang frontliners sa pagseserbisyo sa bayan at tagapagpatupad ng kapayapaan, kaayusan at kaunlaran sa bawat komunidad,” pahayag ni Lapid.

Nagpasalamat din si Lapid sa magiliw na pagsalubong sa kanya ng higit sa 300 mga opisyal ng Liga ng mga Barangay mula sa Northern Samar Chapter.

Kasama ng senador ang kanyang anak na si TIEZA COO Mark Lapid na nangako ng ilang proyekto para sa promosyon at pagpapalago ng turismo sa probinsya.

Bukod kay LIGA Northern Samar President Arturo Dubongco, kabilang sa mga dumalo ay ang Municipal Liga Presidents, Barangay Captains, Sanggunian Kabataan Chairpersons at iba pang opisyal mula sa 569 Barangay sa nasabing lalawigan.

Nabigyan ng parangal ng Good Governance Seal ang mga napiling Barangay na nagbigay ng mahusay na serbisyo at nag-angat ng antas ng pamumuhay ng kanilang constituents. VICKY CERVALES