SAKRIPISYO NG KAUNTI SA PANAHON NG LOCKDOWN

Magkape Muna Tayo Ulit

MAHIRAP talaga ang ating pinagdadaanan sa mga panahon na ito. Ang utos ng pamahalaan ay ‘enhanced community quarantine’. Isinagawa ito upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 na hanggang sa ngayon ay umaakyat pa rin ang bilang ng nakakapitan ng nasabing sakit.

Wala talagang ibang solusyon kung hindi manatili lamang sa bahay upang Mas malaki ang posibilidad na hindi mahawaan at ipasa sa ibang tao ang COVID-19. Subali’t hindi lahat ay kayang gawin ito. Marami rin sa ating mga mamamayan ay nasa sitwasyon na ‘isang kahig, isang tuka’. Walang sapat na ipon upang manatili sa bahay at may pang-gastos maski pansamantalang hindi nagtatrabaho. Nakakaawa ang karamihan sa ating mga mamamayan na nasa ganitong kalagayan.

Subali’t ang ating pamahalaan ay nailagay  sa kalagayan na kailangan ibalanse ang pangangailangan ng karamihan sa ating mga mamamayan na kailangang kumayod araw-araw at sa kabuuan na paghinto sa pagkalat ng COVID-19 na maaring ibagsak ang ekonomiya, buhay at pinsala sa ating bayan. Mahirap talaga.

Nguni’t kailangan na gawin ito ng ating gobyerno ito. Wala silang ibang pamamaraan kung hindi magsagawa ng mahigpit na pagpapatupad ng ‘enhanced community quarantine’. Wala na tayong paligoy-ligoy….tayo ay nasa mahigpit na LOCKDOWN!

Hindi lamang Filipinas ang nagsasagawa nito. Maraming bansa na rin ang gumagawa ng lockdown. Kailangan ay intindihin natin ang sit-wasyon.

Para naman sa mga pinagpala na mga mamamayan natin na kayang manatili sa bahay dahil may sapat na ipon at pera upang makabili ng mga pagkain at iba pang bagay upang maging komportable sa kanilang mga tahanan, huwag na ninyong  batikusin ang iba sa atin na pilit na lumalabas sa kanilang tahanan sa kabila ng ‘enhanced community quarantine. ‘

Sigurado ako na alam nila ang panganib na kanilang hinaharap sa paglabas upang magtrabaho. Pihado ako na kung may sapat na pera ang mga yan, hindi sila mangangahas na lumabas upang kumita ng pera upang may makakain sila sa pang araw-araw.

Hayaan na natin ang ating kapulisan at iba pang awtoridad upang ipatupad ito. Tayong mga nasa pribadong sektor ay huwag na sumasawsaw at bitkusin o pintasan ang mga mahihirap nating mga mamamayan. Huwag na tayo magsabi na ‘matitigas ang ulo nila’ o mga ‘pa-saway’. Tayo ay prebilihiyado. Kaya natin tiisin na nasa loob lamang ng ating bahay. Ang mga mahihirap nating mga mamamayan ay walang ganitong prebilehiyo.

Para naman sa ating mga ubod ng yaman na mga negosyante, nakakatuwa na may ambag din sila upang makatulong sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking halagang donasyon upang makatulong sa krisis na ito.

Mahalaga na tayong lahat ay nagkakaisa upang matagumpay tayo na malabanan ang pagkalat ng COVID-19.

Comments are closed.