NANGAKO kahapon ang mga senador na gagawing prayoridad ang umento sa sahod ng public school teachers bilang pagkilala sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa paghubog sa isipan ng mga kabataang Filipino at sa pagpapaunlad ng bansa sa pagdiriwang ng National Teacher’s Day.
Ayon kay Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ilang bills ang nakabimbin ngayon sa Senado na naglalayong itaas ang suweldo at benepisyo ng mga guro.
“I shall push for pay hikes and direct grants to teachers and prioritize the bills filed in the Senate. Our teachers deserve more than we have managed to give them such as salary increases in line with the Salary Standardization Law in 2015,” wika ni Zubiri. “The government has promised to institute another round of government pay hikes. We will initiate the push for pay hikes in the Senate,” dagdag pa niya.
Inihain ni Zubiri ang Senate Bill No. 104 na nagsusulong sa P10,000 dagdag sa buwanang sahod ng mga guro, mas malaking chalk allowance, P1,000 annual medical check-up allowance at pagkakaloob ng Magna Carta benefits ng mga guro.
“If President Duterte would push through with his promise during the State of the Nation Address to double public school teachers salaries, we will help him find the sources of funds as that would entail additional P343.7 billio,” anang senador.
Sinabi naman ni Senador Juan Edgardo Angara, chairman ng finance committee, na sa mga nakalipas na taon ay tumaas na ang sahod ng mga pulis at sundalo, ngunit ang suweldo ng mga guro ay hindi nadaragdagan.
Aniya, ang umento sa sahod ng mga guro ay makatuwiran lamang sa harap ng tumataas na halaga ng pamumuhay.
“Tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, parami nang parami ang mga estudyante, pabigat nang pabigat ang trabaho ng ating mga guro, pero ang suweldo nila ay napako na ng ilang taon. Panahon na para taasan natin ang sahod nila,” ani Angara.
Inihain ni Angara ang Senate Bill 131 na nagtatakda ng pagtataas ng starting pay ng public school teachers, mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 (P20,754) sa Salary Grade 19 (P45,269) base sa fourth tranche ng Salary Standardization Law.
Sa kanyang panig ay sinabi ni Senadora Pia Cayetano na ang pagtataas sa sahod ng mga guro ay pagpapatibay sa mataas na respeto ng pamahalaan sa mga educator ng bansa at sa kanilang kontribusyon sa nation-building.
Inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 70, o ang ‘Additional Support and Compensation for Educators in Basic Education Act.’
“The measure proposes a salary increase of P10,000 per month for public school teachers, locally-funded teachers, and non-teaching personnel of the Department of Education (DepEd).”
Naghain din sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senators Francis Pangilinan at Ramon Bong Revilla, Jr. ng magkakahiwalay na bills na humihiling ng dagdag na sahod sa mga guro. PILIPINO Mirror Reportorial Team