SALARY INCREASE SA GURO (Ipinanawagang ibigay na)

teacher

MULING  nanawagan sina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro na ibigay na ang dagdag sa sahod  sa mga public school teacher at sa  rank-and-file government employees.

Kasunod na rin  ito ng pananatili ng mataas na inflation rate sa bansa na nasa 6.7% nitong buwan ng Oktubre.

Ayon kina Tinio at Castro, hindi na dapat hintayin pa ang 2020 at ngayon na mismo ibigay sa mga guro at mga empleyado ng pamahalaan ang dagdag sa sahod.

Hinahanap din ng mga kongresista ang pa­ngako  ng gobyerno na dalawang taon na ang nakalilipas na umento sa sahod partikular sa mga guro.

Giit ng mga mambabatas, patuloy na nahihirapan ang mga Filipino kung papaano pagkakasyahin ang natatanggap na maliit na sahod para pambili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, renta sa bahay, koryente, tubig at pamasahe.

Anila, patuloy pa rin na umaasa ang publiko na gagawa pa rin ng hakbang ang pamahalaan para solusyunan ang mga kinaka-harap na problema sa bansa.

Hiniling din nina Castro at Tinio na aprubahan na ang House Bills 7211 at 7917 o ang pagtaas sa entry-level salary ng mga public school teachers sa P30,000 at Salary Grade 1 ng mga empleyado sa P16,000 gayundin ang House Bill 7653 o ang pagpapabasura sa mga anti-people provisions ng TRAIN Law. CONDE BATAC