SALCEDA: DAPAT MAY ‘SPECIAL VIRTUAL SESSION’ ANG KONGRESO PARA MATUGUNAN ANG COVID-19

Joey Salceda

HINIMOK  ni House Ways and Means Committee Chair at Albay Rep. Joey Sarte Salceda si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga lider mambabatas  na ipatawag  ang Kongreso sa isang ’virtual’  special session upang magpasa ng mga akmang batas at supplemental appropriations na tutugon sa mga panlipunan  at pang-ekonomiyang epekto ng nananalasang COVID-19..

Sa kanyang ‘aide memoire’ kamakailan kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, na may pamagat na “Extraordinary Measures  by the House to Combat COVID-19”, sinabi ni Salceda na hindi dapat naka-bakasyon ang Kongreso sa panahon ng pambansang krisis gaya ngayon, at magiging sobrang kritikal ang susunod na dalawang buwan sa pagsugpo sa COVID-19.

Isang kilalang ekonomista at ‘disaster emergency expert’, ipinanunukala ni Salceda na 1) tawagin ng Pangulo ang Kongreso sa isang ‘special session’ upang lumikha ng kailangang mga batas, kasama ang ‘funding adjustments’ para mabisang matugunan at masugpo ang COVID-19;  2) bumuo ang House Speaker ng isang maliit na ‘technical group’ na babalangkas, sa tulong ng mga ekonomista at public health experts, ng mga hakbang na susugpo sa pagkalat ng epidemya at epekto nito sa ekonomiya; at 3) pansamantalang pagbabago sa House rules at payagan ang ‘virtual session and virtual voting’ na naaayon  sa ‘social distancing measures’ na ipinasusunod ngayon.

“Hindi po puwedeng  naka-recess ang Kongreso habang may pambansang krisis. Kung hindi tayo gagawa ng mga radikal na hakbang, malamang umabot na sa 76,000 ang mahahawa ng sakit pagbalik ng sesyon natin sa Mayo 4. May mga policy levers na tanging Kongreso  ang may poder, gaya ng paglalaan ng badyet at pagbibigay ng ‘special powers’ sa Pangulo. At saka wala sa ayos ang naka-recess tayo habang ganap ang matinding pambansang krisis,” puna ni Salceda.

Dagdag niya: “May mga lubhang kailangang interbensiyon na dapat gawin. Sa pag-aaral ng tanggapan ko, kung magla-lockdown pati Kongreso at hindi mabibigyan ng ‘special health emergency powers’ ang Pangulo, maaaring umabot na sa 50,300 ang maysakit pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 4. Tiyak, libo-libo ang mai-infect ng COVID-19. Mabuti na lang at ‘mild symptoms’ lamang mayron ang 80% ng mga nahawaan, kaya mababa ang bilang ng mga namatay. Ganoon pa man, dapat handa ang mga pasilidad pangkalusugan natin kaya kailangang suportado ng Kongreso ang Ehikutibo sa susunod na dalawang buwan.”

Bukod sa naturang mga panukala, sinabi ni Salceda na maghahain siya ng ‘supplemental appropriations’ na magbibigay ng prayoridad sa mga manggagawa upang matugunan ang epekto ng epidemya sa kanilang kabuhayan. Pansamantala lamang, aniya, ang epekto nito sa ekonomiya ngunit matindi ito sa buhay ng karaniwang mga Pinoy.

“Kailangang mag-sesyon ang Kongreso at tugunan ng mga akmang hakbang ang pananalasa ng COVID-19 hanggang masugpo ito. Hindi kailangang pisikal na nasa Kongreso ang mga mambabatas. Gaya ng suhestiyon ko sa Majority Leader, kailangan lang na luwagan ang mga alituntunin ng Kamara at gawing “virtual meeting” ang mga sesyon nito pati na ang botohan. Maaaring mas matinding peligro ang maganap kung pisikal na magkakasama sa Kamara ang mga mababatas dahil kapag “infected” ang isa sa kanila, maaaring mahawa ang iba at mga nasasakupan nila pag-uwi sa kanilang distrito.. Naaayon ang ‘virtual session’ sa ‘social distancing’ ng Department of Health,” paliwanag ni Salceda.

“Sa pag-aaral namin, kung magla-lockdown ang Kongreso sa susunod na linggo at wala itong magagawang kaukulang mga hakbang, maaaring umabot sa 76,000 ang bilang ng mga mahahawaan ng sakit sa Mayo 4 kung kailan muling bubuksan ang sesyon nito. Ito’y dahil sa ‘exponential’ ang pagkalat ng COVID-19 bago  bumagal ang paglaganap nito. Sa China, ni-lockdown ang mga pabrika at paaralan noong Pebrero 20. Pagkalipas lamang ng isang linggo, bumagal na ang pagkalat ng sakit. Sadyang kailangan ang mga akmang hakbang bago mapabagal ang paglaganap ng sakit na ito,” dagdag niyang paliwanag.

Magagawa nating ‘zero casualty’ ito kung mayron tayong mga pasilidad at pambansang kakayahan para ito’y tugunan. Naniniwala akong magagawa natin ito kung tayo’y kikilos agad. Kasama rito ang aksiyon ng Kamara para ang kaukulang mga awatoridad, lalo na ang DOH, ay tukuyin ang maseselang lugar na dapat i-lock down. Mabibigyan ng Kongreso ang DOH ng kaukulang kapangyarihan upang isagawa ang kailangang mga ‘lockdown,’ ayon sa mambabatas.

 

Comments are closed.