Inihalal si Albay Rep. Joey Salceda bilang ‘chairman’ ng ‘ad hoc super committee’ ng Kamara na naatasang balangkasin at repormahin ang Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System ng pamahalaan.
Sa ngayon, may P9.6 trilyon ‘unfunded deficit’ na ang MUP pension system na ayon kay Salceda ay tiyak na hindi masusustinehan at magiging katumbas ng 66% ng tinatayang ‘target deficit’ ng bansa sa taong 2035. “Kapag nangyari ito, hindi na maaaring humirang at magsanay tayo ng mga bagong sundalo at pulis at bumili ng mga kagamitang pang-militar,” puna ng mambabatas.
Si Salceda ang chairman ng House Ways and Means Committee. Bukod sa naturang komite, kasama rin sa ‘MUP super committee’ ang mga komite ng Kamara sa ‘Government Enterprises, Defense, Public Order and Appropriations, na nagpapahiwatig sa bigat ng mga usapin at suliraning kakaharapin nito.
Inihain ni Salceda sa Kamara kamakailan ang kanyang HB 9271, ang ‘Saving the MUP Pension Act na siyang nagpatunog ng alarma sa problema ng mga nasa unipormado serbisyo. Sa naturang panukala, sinabi niyang nahaharap sa “total fiscal collapse” ang programa ng pensiyon kung hindi agad ito mare-remedyuhan.
Ang pangunahing dahilan kung bakit P9.6 trilyon na ang “unfunded reserve deficit” ay ang kawalan ng kontribusyon ang mga nasa unipormadong serbisyo sa sarili nilang pondong pensiyon, hindi kagaya ng mga sibilyan nilang katapat, kaya buong-buo na galing sa taunang badyet ng pambansang pamahalaan. Lalong lumala ang problema nang biglang taasan ang mga sahod ng mga kasundaluhan at kapulisan noong 2018.
Pinuna ni Salceda na mula noong 2018, ang gastos sa MUP pensiyon ay humigit sa MOOE o “maintenance and other operating expenses” ng PNP at AFP, “na ang ibig sabihin ay higit na malaki ang gastos sa mga retirado kaysa mga nasa aktibong serbisyo,” sabi ni Salceda.
“Nagbabadyang ‘fiscal crisis’ ito kung walang agarang reporma dahil tuloy-tuloy na papapayatin nito ng 7.2% ang pambansang ekonomiya sa pangmatagalan, higit na malala pa sa ‘financial crisis noong 2004 at 2008,” babala ng mambabatas na isang kilalang ekonomista.
“Ang isyu rito ay hindi kung karapat-dapat ba sa kanilang pensiyon ang mga unipormadong pensiyonado, dahil lahat namang nagserbisyo sa bansa ay karapat-dapat. Ang isyu ay paano kung wala nang maipa-pensiyon sa kanila sa hinaharap, at ipapasahod sa mga nasa aktibong serbisyo. Hindi rin dapat mabawasan ang kanilang mga benepisyo, kaya kailangan repormahin ang sistema,” giit ni Salceda.
Sa ilalim ng “Joint Resolution No. 1, s. 2018,’ kung saan halos nadoble ang mga sahod ng mga sundalo ay pulis, nakasaad din dapat ang kaukulang mga hakbang para maging makatotohanan ang naturang dagdag sahod. Wala pang mga hakbang na naganap na siyang misyon ngayon ng MUP ‘super committee,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda, bahagi ang panganib sa buhay ng mga nagpu-pulis at nagsu-sundalo kaya sadyang kailangan din nila ang mga benepisyo kung nasasaktan o nasasawi sa linya ng serbisyo kaya dapat na patibayin ang sistema ng pensiyon para sa kanila.
Nakikipagtulungan na siya sa Department of Finance at Bureau of Treasury upang tukuyin kung anong ‘assets’ ang maaaring mapagkukunan ng pondo para sa MUP pensiyon upang hindi ito lahat nakakarga sa ‘national budget.’
Sa ilalim ng HB 9271, ipinanukala ni Salceda ang mga sumusunod: 1) Pagtigil sa ‘automatic indexation’ ng bayad sa pensiyon na dapat repasuhin tuwina at taunang dagdagan ng 1,5%; 2) ambag na 21% ng sahod para sa pondo ng pensiyon, gaya ng mga katapat nilang sibilyang kawani ng gobyerno;
3) Tuwirang pagtatalaga sa 56 taon gulang ang pagtanggap ng pensiyon sa halip na sa mga 20 taon lamang ng maayos na serbisyo; 4) pagbatay ng pensiyon sa ranggo nang magretiro; 5) paggamit sa mga ari-arian ng MUP para makadagdag sa pundo ng pensiyon;
6) Paglikha ng MUP Trust Fund Committee para pangasiwaan ang pundo sa pensiyon, at pagtatalaga sa Government Service Insurance System (GSIS) bilang manedyer ng MUP Trust Fund; 7) Paglibre sa MUP Trust Fund sa lahat ng buwis; at 8) Pagbigay ng awtorisasyon sa MUP Trust Fund Committee na lumikha ng mga produktong siguro na tutugon sa mga risgo o panganib na maaaring suungin ng mga nasa aktibong serbisyo.
Comments are closed.