IMINUNGKAHI ng isang Central Luzon lawmaker na magsanib bilang Constituent Assembly ang Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso para maisulong ang pag-amyenda sa Saligang Batas partikular ang probisyon sa paghalal ng pagka-pangulo at bise-presidente gayundin ang kanilang magiging ‘term limits’ kasama na ang mga kongresista at iba pang local officials.
Sa kanyang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, ninanais ni Pampanga 3rd Dist. Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. na sa pagbabago ng nilalaman ng 1987 Constitution, ay mapalakas ang political party system ng bansa at matiyak na ang magagandang programa at proyekto ng isang incumbent elected official ay maipagpapatuloy.
Nakasaad sa naturang panukala na sa panawagang bumuo ng Constituent Assembly ay gagawin ang paglalagay ng five-year term, na mayroong isang reelection bid o maaaring umabot ng sampung taon sa mahahalal na pangulo kumpara sa kasalukuyang one six-year term limit.
Pagbibigay-diin ni Gonzales, maigsi ang anim na taong termino para sa isang pangulo at ito ay napatunayan ngayong umiiral ang pandemya kung saan kakailanganin ng isang administrasyon ang mas mahabang panahong para makapagpatupad ng mga programang naglalayong muling ibangon at magpapalakas ang ekonomiya ng bansa.
“On the other hand, if we do not like the way the President is governing, we can vote him out of office a year earlier if his term of office is five years,” dugtong ng Pampanga solon.
Sa posisyon ng bise-presidente, dalawang limang taon na termino rin ang panukula ni Umali subalit sa gagawing presidential polls, kung sino ang madedeklarang nanalo sa pagkapangulo ay ang running mate nito ang awtomatikong uupong vice-president.
“This would strengthen the political party system and ensure that the top two officials of the land are one in leading the nation,” giit ni Gonzales.
Nais din ng kongresista na mapalawig ang termino ng mga miyembro ng Kamara, mga gobernador, mayor at iba pang local official kung saan mula sa kasalukuyang tatlong taon ay gagawin din itong limang taon na termino at mayroon lamang isang reelection bid.
“A three-year tenure is too short for a representative. On his first year, he tends to be on a learning curve in terms of legislative and constituency duties, with much of his work happening on his second year. A large part of his third year is spent on reelection-related activities. This is true as well with a governor or city or town mayor,” ayon kay Gonzales. (ROMER R. BUTUYAN)