OLONGAPO CITY- Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay dating Olongapo City mayor, at ngayon ay Chairman and administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Rolen C. Paulino Sr., kasama ang ilang opisyal ng lungsod makaraang makakita ng sapat na dahilan para ituloy ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices laban sa mga ito.
Sa inilabas na resolusyon ni Sandiganbayan Associate Justice Theresa V. Mendoza-Arcega ng Fifth Division noong Hulyo 12, 2022, sinang-ayunan nito ang motion for reconsideration ng prosecution at isinaisangtabi ang naunang desisyon ng Seventh Division (April 1, 2022) na unang nagsabing walang sapat na batayan ang mga akusasyon laban kina Paulino at ibinasura ang mga kaso na inihain noong Pebrero 2018.
Ang kaso laban kay Paulino at 16 na opisyal ng lungsod, ay nag-ugat nang aprobahan ng lungsod sa administrasyon ni Paulino ang pagtayo ng gusali ng mall sa mga lupaing pag-aari ng pamahalaan.
Kabilang sa mga kasama sa asunto ay sina vice mayor Aqulino Cortez, dating kagawad Noel Atienza, Emerito Bacay, Benjamin Cajudo, II Elena Dabu, Edna Elane, Egmidio Gonzales, Jr., Eduardo Guerrero, Alruela Bundang-Ortiz, Randy Sionzon, at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan lungsod.
Binigyang punto ng Fifth Division na sa ginawang pagsusuri ay naitama ng Korte ang ilang depekto sa Amended Information, kung saan ay nakita ng Korte ang sapat na dahilan upang ituloy ang kaso laban sa mga akusado.
Samantala, sinabi naman ni Paulino na nabigla ito sa mga pangyayari at sinabing agad naman itong nakapagpiyansa sa halagang P30,000.
Sa harap ng mga empleyado ng SBMA ay inamin ng opisyal ang tungkol sa warrant of arrest sa ngalan ng transparency.