CAMARINES – PINAGHAHANAP ng awtoridad ang ina na nag-abandona sa isang sanggol na may nakakabit pang pusod malapit lamang sa dagat sa Brgy. Bonot sa bayan ng Calabanga.
Ayon sa ulat masuwerteng hindi nalapitan ng mababangis na hayop at hindi umabot sa tubig ang iniwang bagong panganak na sanggol.
Lumilitaw na iniwan ang bagong silang na babae sa kakahuyang malapit sa dagat sa Brgy. Bonot.
Base sa nakalap na salaysay, isang babae ang unang nakita sa lugar at biglang nawala na posibleng ina ng sanggol.
Nagulat umano ang ilang residente nang makarinig sila ng pagpapalahaw ng isang tila bagong panganak na baby.
Agad nilang hinanap ang sanggol nang marinig ng ilang mga kabataang naglalaro sa may kakahuyan ang pag-iyak nito.
Natagpuang kadapa ang sanggol at may nakakabit pang umbilical cord at placenta habang pinapapak ng mga langgam ang mukha at iba pang bahagi ng katawan nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.