SANGKOT SA DROGA TUMBA SA PARAK

Droga

NAVOTAS CITY – PATAY ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis kama­kalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga nasawing suspek na sina “Jeff” at “Vincent”, kapuwa ng 417 Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN).
Ayon kay Col. Balasabas, alas-10:30 ng gabi, nagsasagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kontra sa drug pusher sa Brgy. NBBN nang maispatan ang mga suspek na may hawak na shabu na naging dahilan upang sitahin ang mga ito.
Gayunman, bumunot ng baril ang suspek na si Vincent at pinaputukan ang mga operatiba na gumanti naman ng mga putok na nagresulta ng agarang kamatayan ng nabanggit na suspek.
Tumakbo naman papasok sa kanyang bahay ang suspek na si Jeff at paglabas ay armado na ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga operatiba na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Nakuha kay Vincent ang cal. 45 pistol na kargado ng magazine at tatlong bala at isang plastic cellophane na may lamang shabu, habang ang cal. 38 revolver at dalawang plastic sachet ng shabu ay ­narekober naman kay Jeff.
Narekober din ng pulisya sa loob ng bahay ng mga suspek ang isa pang plastic cellophane na may lamang shabu, ilang drug paraphernalia, P4,800 cash at cellphone. EVELYN GARCIA

Comments are closed.