SARDINAS MALAMANG MAGTAAS DAHIL SA PAGBAGSAK NG PISO

SARDINAS-2

POSIBLENG  tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagsadsad ng piso kontra dolyar. Kasama na rito ang mga de-lata na ang mga materyales gaya ng lata ay binibili pa mula sa labas ng bansa, ayon sa grupo ng mga manufacturer ng mga de-latang sardinas.

Ayon kay Marvin Lim, pangulo ng Canned Sardines Association of the Philippines, posible silang magtaas ng presyo dahil nanggagaling sa ibang bansa ang raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga de-lata.

“Tin plates, ‘yong tomato paste, nanggagaling sa abroad ‘yon, so ‘yong pagbili namin noon, tumaas din,” ani Lim.

Noong Miyerkoles, nagsara sa P54.13 ang halaga ng piso kontra dolyar mula sa P53.94 noong Martes. Ito ang pinakamahinang halaga ng piso sa halos 13 taon.

Pero ayon kay Lim, hindi naman agad ang taas-presyo dahil marami pa silang nakaimbak na raw materials.

Hindi rin maaaring magtaas ng presyo ang mga manufacturer dahil nakapako ang presyo ng mga bilihin hanggang Nobyembre.

“Hindi naman natin tataasan kaagad after that kasi nga mayroon naman tayong buffer stock in terms of raw materials, mayroon tayong naka-stock sa warehouse natin,” aniya.

Nananatili namang nakabinbin sa Department of Trade and Industry ang mga hiling na dagdag-presyo na maaari umanong ibagsak sa Disyembre.