SARDINAS, NOODLES NAGMAHAL

SARDINES AND NOODLES

SAKLAW ng bagong pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang dalawang paboritong pagkain ng masa – ang sardinas at ang noodles, ayon sa DTI.

Nakatakdang maglabas  ngayon ng bagong listahan ng suggested retail price (SRP) ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga pangunah-ing bilihin.

“If they can, refer to the suggested retail price issued by the DTI kasi ‘yun ‘yung guide nila para malaman nila talaga kung tama ‘yung presyong binibili nila sa merkado,” pahayag ni  Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Inianunsiyo na walong brand ng sardinas ang inaasahang magpapatupad ng taas-presyo mula sa P0.30 hanggang P1.00 bawat lata para sa local brands, at P1.50 bawat lata para sa premium.

Ayon kay Castelo, ang pagtaas ay dahil sa mataas na presyo ng raw materials.

Ang brand  ng sardinas na magtataas ng presyo ay yaong mga nagpatupad ng price freeze noong nagdaang taon.

“‘Yung presyo pa rin ng tamban, hindi pa rin natin ‘yan na-stabilize sa ngayon. Also, itong mga brand na magtataas na ito, ito ‘yung mga naiwan pa natin. Remember, we had a price hold-off until December last year,” ani Castelo.

Habang 20 centavos hanggang 45 centavos naman ang inaasahang itataas ng presyo ng noodles.

Katwiran ni Castelo, simula noong 2012 ay hindi gumagalaw ang presyo.

Hindi na  na rin umano  mapigilan  ng mga manufacturer ang pagtaas ng raw materials production.

Inaasahang magtataas ang presyo ng mga pansahog katulad ng patis, toyo, at suka  ng  20 hanggang 85 centavos.

Comments are closed.