SARILING AMA BINARIL NG 13-ANYOS NA ANAK

BATANGAS -BINARIL at napatay ng isang 13-anyos na batang babae ang kanyang sariling ama kamakalawa araw ng Biyernes, dahil sa umano’y paulit-ulit na pang-aabusong sekswal, na naganap sa Barangay Pinagkaisahan sa bayan ng Cuenca.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya ng Rehiyon 4A, binaril ni “Abby,” ang kanyang ama na si “Nonilo,” 48, sa kanyang ulo gamit ang kalibre .45 pistol, na agad nitong ikinasawi sa lugar bandang alas-2 ng hapon. sa Barangay Pinagkaisahan.

Base sa report hindi nagbigay ng karagdagang detalye sa naganap na pamamaril at kung paano napasakamay ng suspek ang baril.

Kalaunan ay inaresto ng pulisya ang batang babae, isang high shcool student sa isang hot pursuit operation.

Inamin niya ang pagpatay sa kanyang ama, ayon dito ay bilang paghihiganti matapos itong molestiyahin ng ilang beses.

Isasailalim ng mga imbestigador sa paraffin test ang dalagita at ang umano’y nobyo nitong si “Clint”, upang matukoy kung nagpaputok ng baril ang isa sa kanila.

Sa nasabing report ay hindi nagbigay ng karagdagang impormasyon tungkol kay Clint maliban na siya ay itinuturing na isang “person of interest.”

Paliwanag pa ng pulisya na ang taong tinatawag na ” person of interest” ay ang isang tao na may mahalagang impormasyon tungkol sa isang kasong kriminal o may posibleng pagkakasangkot ngunit hindi pa nakakasuhan.

Ang batang babae ay inilagay sa ilalim ng kustodiya ng lokal na tanggapan ng social welfare habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
EVELYN GARCIA